MABUTING BALITA
Rom 4:13, 16-18 ● Slm 105 ● Lc 12:8-12
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos.
“Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga maykapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”
PAGSASADIWA:
Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo.— May isang pari noong seminarista pa lang ako na nagpaliwanag sa amin tungkol sa kasalanang binabanggit sa ebanghelyo ngayon. Sabi niya ang panlalait sa Banal na Espiritu ay maaaring tumutukoy sa kasalanang hindi pinagsisisihan at hindi inihihingi ng tawad. Ito ang kasalanan ng demonyo na patuloy na gumagawa ng masama at hindi kailanman siya hihingi ng tawad sa Diyos.
Ang paghingi ng tawad ay nangangailangan ng kababaangloob. Hindi ito gagawin ng demonyo sapagkat kakambal na ng kanyang pagiging masama ang kayabangan. Maaari siyang sumuko sa kapangyarihan ng Diyos ngunit hindi kailanman siya makikipagkasundo sa Diyos. Paano nga naman patatawarin ng Diyos ang nagkamaling hindi naman kailanman umamin sa kasalanan at humingi ng tawad sa kanya?