Bautista ‘di na ii-impeach
Sinabi ni House Committee on Justice Chairman, Oriental Mindoro 2nd district Rep. Reynaldo Umali na wala nang saysay ang impeachment laban kay dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista matapos tanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw nito.
“Wala na kasi moot na nga eh....Nothing to override eh. Kasi vacant na yung position,” ani Umali kahapon.
Hinihintay na lamang ngayon ni Umali ang pagpapatupad ng “formalities” upang isara ang impeachment proceedings laban kay Bautista.
“[It’s] held in abeyance pending submission of all these documents,” ani Umali sa mga mamamahayag matapos isara ang panel hearing na dapat sana ay magsasapinal sa articles of impeachment laban kay Bautista.
Inamin niya na nagulat ang Justice Committee sa mga pangyayari, partikular na ang pagtanggap ni Pangulong Duterte sa pagbibitiw ng Comelec chairman nitong Lunes.
Inihain nina dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras at abogadong si Ferdinand Topacio ang impeachment complaint laban sa poll chief, na inaakusahan ng pagpapabaya sa voter data leak at pagpalit ng server script sa May 2016 elections, at kabiguang ilantad ang lahat ng kanyang mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Bago ang paghahain ng ouster complaint, inakusahan si Bautista ng dating asawang si Patricia na mayroong P1 bilyong nakaw na yaman.
Sinabi ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Mrs. Bautista, na magsasampa sila ng kaso laban sa dating opisyal ngayong wala na ito sa puwesto.
“He now cannot hide under the immunity. He will be sued at the proper time as private citizen Andy Bautista,” ani Kapunan sa press conference matapos ang pagdinig.