Balita

Tumanggi sa fixed marriage, pinatay

- Orly L. Barcala

Fixed marriage ang lumalabas na motibo sa pagpatay sa isang Filipino- American citizen na binaril sa loob ng taxi sa Valenzuela City, kamakailan.

Ito ang nakumpirma ni Senior Supt. Ronaldo O. Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, matapos maaresto sa magkakasun­od na operasyon sina Staff Sgt. Gilberto C. Raro Jr., 39, aktibong miyembro ng Philippine Air Force-Armed Forces of the Philippine­s (PAF-AFP), ng Sarmiento Town Ville Poblacion, San Jose Del Monte, Bulacan; at Avelino Tamayo, 44, umano’y gunman, na taga-Calamba, Laguna.

Sa panayam kay SPO4 Armando De Lima, deputy chief ng Station Investigat­ion Unit (SIU), dinakip ang mga suspek matapos maberipika sa Land Transporta­tion Office (LTO) na nakarehist­ro kay Romeo D. Bagtas ang Nissan Urvan (AIA-1574).

Nakunan ng CCTV ang pagsakay ng mga suspek sa van mula sa sinakyang taxi matapos barilin ang katabing Fil-Am na si Antonio Fermo, 65, sa Bgy. Dalandanan, Valenzuela, nitong Oktubre 18.

Sa pagsisiyas­at nina SPO4 Delima, SPO1 Roberto Santillan, at PO3 Chad De Leon, nabatid na hiniram kay Bagtas ng kapatid niyang si Sofronio ang van noong Oktubre 18.

Ipinagtapa­t naman ni Sofronio na inarkila siya ni Raro ng P1,800 para ipagmaneho si Tamayo papuntang Valenzuela, ngunit hindi niya alam na hired killer ang huli.

Oktubre 23 ng madaling araw nang madakip si Raro at inamin nitong siya ang nagpapatay kay Fermo, sa utos ng isang negosyante, habang 11:00 ng umaga nang araw ding iyon nang arestuhin sa kanyang bahay sa Calamba si Tamayo.

Batay sa pahayag ng mga kaanak ni Fermo, isang Gloria Niones ang nagbigay ng $10,000 sa biktima para sa fixed marriage sa kapatid ni Niones na TNT sa Amerika, pero hindi nagpakasal si Fermo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines