Balita

5 PATAY SA TRUCK

Pedestrian­s, tatlong sasakyan inararo ng 22-wheeler sa QC

- Ni JUN FABON

Limang katao ang nasawi at maraming iba pa ang nasugatan makaraang araruhin ng isang 22wheeler truck ang tatlong sasakyan at sagasaan ang mga pedestrian sa Batasan-San Mateo Road sa Barangay Batasan Hills, Quezon City kahapon.

Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy pa ring kinikilala ng Quezon City Police District-Traffic Enforcemen­t Unit Sector 5 ang mga nasawing biktima na kinabibila­ngan ng isang estudyante at isang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Batay sa imbestigas­yon, dalawa sa mga biktima ang kaagad na nasawi nang madaganan ng truck habang ang estudyante naman ay hindi na umabot nang buhay sa Malvar General Hospital sa Commonweal­th Avenue, at ang dalawa pa ay dead on arrival din sa St. Mathew’s Hospital sa San Mateo, Rizal.

Patuloy naman inaalam ng pulisya ang bilang ng mga sugatan, na isinugod sa iba’t ibang ospital.

Ayon sa pulisya, dakong 3:15 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Batasan-San Mateo Road makaraang mawalan ng kontrol ang truck, na kargado ng mga bakal, habang pababa patungong San Mateo.

Nabatid na hindi umano nakayanan ng preno ng truck ang bigat ng mga karga kaya mabilis itong dumausdos pababa mula sa kanto ng Batasan-San Mateo Road at Battalion Road hanggang sa Senatorial Driver, at pagsapit sa Senatorial Street ay tumagilid ang truck at nadaganan ang dalawang pedestrian habang marami naman ang nasugatan nang araruhin sila ng dambuhalan­g sasakyan.

Inararo ng truck at nawasak din ang isang Toyota Fortuner, isang Toyota Innova at isang Toyota Avanza, at nasugatan din ang mga pasahero ng mga ito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines