Balita

Bagong testigo: Unang pumutok si Carl

- Fer Taboy at Jeffrey Damicog

Lumantad kahapon sa Philippine National Police-Criminal Investigat­ion ang Detection Group (PNP-CIDG) ang bagong testigo sa pagpatay ng mga pulis kay Carl Arnaiz sa Caloocan City noong Agosto.

Nagtungo sa tanggapan ng CIDG- National Capital Region ang isang magka-live-in partner na sinasabing saksi sa pagpatay ng mga pulis kay Arnaiz, 19 anyos.

Ayon sa umano’y testigo, isang tricycle driver at kinakasama nito, na nagbaba sila ng pasahero sa Torcillo Street bandang 3:30 ng umaga ng Agosto 18 at palabas na sila ng C3 nang makita nila na may tumatakbon­g isang lalaki na nakasuot ng itim na jacket, na hinahabol ng dalawang malalaking lalaki.

Anila, narinig nila na nagpakilal­ang pulis ang dalawang humahabol na lalaki, pero bumunot umano ng baril ang nakasuot ng jacket at pinaputuka­n ang mga humahabol sa kanya.

Natakot ang dalawa kaya bumalik sila sa Torcillo Street at nagtago sa loob ng tricycle, at matapos ang putukan ay lumabas sila sa pinagtatag­uan at nakita ang sasakyan ng mga pulis at dilaw na police line sa isang nakahandus­ay na duguang lalaki—na nabalitaan nilang si Arnaiz pala.

Sinabi ni Senior Supt. Wilson Asueta, hepe ng CIDG-NCR, na tinanggap nila ang pahayag ng dalawa pero beberipika­hin pa nila kung totoo ang sinabi ng mga ito.

Kasabay nito, nanindigan naman si Tomas Bagcal, ang taxi driver na umano’y hinoldap ni Arnaiz, na tinangka siyang holdapin ng huli, kasama si Reynaldo “Kulot” de Guzman, 14, noong Agosto 18.

“I am standing firm with this statement because this was really the truth of what happened to me,” saad sa rejoinder-affidavit na isinumite kahapon ni Bagcal sa Department of Justice (DoJ).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines