Balita

Truck sumalpok sa van: Lola at apo tigok; 9 pa sugatan

- Mary Ann Santiago

Nauwi sa trahedya ang bakasyon ng isang pamilya nang mabangga ng truck ang sinasakyan nilang van na ikinasawi ng isang lola at isang sanggol at ikinasugat ng siyam na iba pa sa Barangay Santa Cruz, Antipolo City, kamakalawa ng gabi.

Dead on arrival sa Amang Rodriguez Hospital si Yolanda Dimaranan, 76, habang hindi na rin umabot nang buhay sa Antipolo District Hospital si Adrian Dimaranan Vibas, 1, kapwa ng Lambac Street, Mabitac, Laguna.

Samantala, sugatan naman ngunit nasa maayos nang kondisyon sina Gabriel Vibas, 1, kambal ni Adrian; Dennis Vibas, 38; Janzzen Vibas, 32; Dansen Eziekiel Vibas, 6; Fidel Base, Jr., 56; Mylene Base, 54; at Michael Base, 26; pawang ng Lambac St., Mabitac, Laguna; gayundin sina Rex Flynn Dimaranan, 52, ng Block 1, Lot 7, San Isidro Heights, Muntinlupa City; at Michael Ringor, 37, ng Block 7, Lot 28, Maya Alta Subdivisio­n, Bgy. Dalig, Antipolo City.

Tinutugis naman ang ‘ di pa nakikilala­ng driver ng truck na tumakas matapos ang aksidente.

Sa ulat ng Antipolo City Police, naganap ang aksidente sa Sumulong Highway sa Bgy. Santa Cruz, dakong 11:45 ng gabi.

Sa imbestigas­yon ni duty traffic investigat­or PO3 Jesus Bae, nakasakay ang magkakamag-anak na biktima sa isang Toyota Hi-Ace van na minamaneho ni Base, patungo sa direksiyon ng Antipolo town proper mula sa Masinag.

Paglampas ng van sa Cavaliers Village, aksidente itong nabangga ng kasalubong na Scania tractor head (JZ 0153) at trailer (AUA-8962) na minamaneho ng suspek.

Sinasabing nawalan ng kontrol ang truck, kaya sinakop nito ang kabilang linya at tuluyang nasalpok ang van ng mga biktima.

Sa lakas ng pagkakaban­gga, tatlong ulit umanong umikot ang van bago sumampa sa gilid ng kalsada habang tumagilid naman ang truck.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines