TAMBULISLIS
Ika-61 labas
NAGPASYA si Mang Daniel na sa Barangay Bayan-bayan na manirahan dahil may asawa na ang lahat ng mga anak nito. At dahil dito, magpapagawa ng bahay bakasyunan si Mang Daniel sa lupa na kanyang ipinamahala kay Mang Edgardo na matalik nitong kaibigan at kababata.
“Dito ko itatayo ang bahaybakasyunan, pare,” wika ni Mang Daniel habang pinagmamasdan ang lugar. “Bukod sa malapit sa bukal na pagkukunan ng tubig, nakadunghal sa batis at kitang-kita ang kabundukan sa kabilang barangay.”
“Okey talaga ditong itayo ang bahay-bakasyunan, pare,” sagot ni Mang Edgardo. “Dahil mula dito, kitang-kita ang kagandahan ng ating lugar.”
“Pare, kailan mo balak simulan ang pagtatayo ng bahay- bakasyunan?” Tanong ni Mang Edgardo.
“Sa lalong madaling panahon,” sagot ni Mang Daniel. “Gawa na ang plano, ipinagawa ko sa anak kong nagtapos ng arkitektura.”
“Sino naman ang gagawa?” Tanong ni Mang Edgardo.
“Wala ng iba, kung hindi ikaw, pare,” sagot ni Mang Daniel. “Kailangan mong magamit ang isa mo pang talento bukod sa pagluluto, ang kaalaman sa construction.”
“Hindi ka nagbibiro, pareng Daniel?” Tanong uli ni Mang Edgardo.
“Hindi,” sagot ni Mang Daniel. “Kaya, bumalik na tayo sa bahay para makita mo ang plano!”
“Sige, pare,” wika ni Mang Edgardo. “Ibig kong matapos sa lalong madaling panahon ang bahay-bakasyunan kaya pag-aaralan ko na ang plano.”
Magkasunod na naglakad ang magkumpare, magkababata at matalik na magkaibigan pabalik sa bahay ni Mang Edgardo na hindi kalayuan sa lugar. Nang makalayo nang bahagya, tumigil si Mang Daniel sa paglalakad, lumingon at pinagmasdan ang lugar na balak pagtayuan ng bahay bakasyunan sa Barangay Bayanbayan.
Matapos ang ilang sandali ng pagmamasid, ipinagpatuloy ng dalawa ang paglalakad pabalik sa bahay ni Mang Edgardo na kinaroroonan ng sasakyan ni Mang Daniel. At mula sa sasakyang nakaparada sa harap ng bahay, kinuha ni Mang Daniel ang plano ng ipapatayong bahay-bakasyunan sa sinilangan at nilakhang barangay na nakalagay sa malaking plastic envelope. Agad niyang ibinigay ang plano sa kababata at matalik na kaibigang kahit nakatapos lamang ng high school, marunong bumasa ng plano dahil sa malawak na karanasan sa pagtratrabaho sa construction.
“Okey bang planong gawa ng inaanak mo, pareng Edgardo?” Tanong ni Mang Daniel.
“Pare, mahusay ang ginawang plano ng inaanak ko. Bukod sa matipid, madaling gawin dahil simple ang disenyo,” sagot ni Mang Edgardo.
“Likas sa inaanak mo ang husay sa pagbuo ng plano, pare,” wika ni Mang Daniel. “Bata pa lang, nakakagawana ng bahay-bahayan sa pamamagitan ng pinagpatungpatong na kaha ng mga posporo!”
“Kaya pala mahusay siyang gumawa ng plano, pare,” sang-ayon ni Mang Edgardo. “At tulad ng sinabi ko, hindi ito pangkaraniwang plano dahil magandang pagmasdan kahit simple ang disenyo.”
“O, paano pare, sisimulan ko na ang pag-aaral sa plano para masimulan na ang paggawa sa bahay-bakasyunan mo,” wika ni Mang Daniel. “Alam ko, sabik na sabik ka ng muling manirahan sa ating barangay.”
“Tama ka, pare,” sagot ni Mang Daniel. “Kaya lang may nakikita akong kulang sa gagawin mong pagtatayo ng bahaybakasyunan.”
“Ano ‘yun, pare?” Tanong ni Mang Edgardo.
“Wala kang piyon,” sagot ni Mang Daniel. “Tiyak, mahihirapan ka nang husto kapag walang katulong sa pagtratrabaho at higit sa lahat, matatagalan bago mayari!”
“Madali na‘yun, pare,” wika ni Mang Edgardo. “May mga binatilyo sa sentro ng barangay na gustong matuto ng trabaho sa construction.”
“Nakakatuwa talaga, pare,” sagot ni Mang Daniel. “May mga tao pa palang hindi takot sa mabigat na trabaho. Siguro, hindi nila alam na pati kasulok-sulukang bahagi ng katawan ng nagtratrabaho sa construction, ginigitian ng pawis.”