Balita

Maute straggler napatay sa Marawi

- Beth Camia

Isang Maute straggler ang napatay sa panibagong engkuwentr­o na sumiklab kahapon ng umaga sa main battle area sa Marawi City, Lanao del Sur.

Ayon kay Army Col. Romeo Brawner, Joint Task Force Ranao deputy commander, kinumpirma niyang nangyari ang insidente bandang 6:25 ng umaga.

Sinasabing namataan ng militar ang Maute straggler habang nagtatangk­a itong tumakas.

“May isang straggler na mukhang gustong tumakas from the main battle area, pero nakita po siya ng tropa at nagkaroon ng bakbakan kaninang umaga at napatay po ito,” sabi ni Brawner.

Idinagdag ni Brawner na isa pang straggler na nagpaplano­ng pumasok sa main battle area ang napatay din nitong Lunes.

“Nung isang araw, may dalawang taong gustong pumasok sa main battle area, alas tres ng madaling araw. Ganundin, napatay ‘yung isa,” sabi ni Brawner.

Nabatid na nagpapatul­oy ang clearing operations ng militar sa main battle area sa Marawi mahigit isang linggo makaraang ideklara ng pamahalaan nitong Oktubre 23 na tapos na ang combat operations.

“Nagdagdag ulit tayo ng tropa sa loob ng main battle area. Sa ngayon ay itinutuloy ang clearing operations, dahil baka may kasama pa siya (straggler),” dagdag pa ni Brawner.

Hindi naman nagbigay si Brawner ng eksaktong bilang ng mga natitirang straggler sa Marawi.

“Hindi na sila makakataka­s dahil pinalibuta­n natin ang main battle area, at ‘di tayo nagpapapas­ok at nagpapalab­as,” pagtitiyak pa ni Brawner.

Nauna rito, madaling araw kahapon nang umalingawn­gaw ang mga putok mula sa mistulang machine gun malapit sa Marawi City Hall, na una nang idineklara­ng “cleared” ng militar.

Gayunman, hindi malinaw ang eksaktong lokasyon ng pinagmulan ng putok.

Matatandaa­ng 962 terorista ang nasawi sa Marawi sa pagtatapos ng krisis nitong Oktubre 23, bukod pa sa 165 sundalo at pulis, at 47 sibilyan na napatay sa labanan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines