Balita

Libu-libo dumagsa na sa sementeryo

- Bella Gamotea

Nagsimula nang dagsain ang mga sementeryo sa katimugang bahagi ng Metro Manila, base sa ulat ng Oplan Kaluluwa ng Southern Police District (SPD) kahapon.

Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga dadalaw sa mga puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay sa iba’t ibang sementeryo sa kabila ng masamang panahon at panaka-nakang pag-ulan, partikular sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, na umabot na sa 5,000 katao ang dumalaw.

Aabot naman sa 3,000 ang nagtungo sa Loyola Memorial park; 300 sa Palanyag Cemetery; at 100 naman sa Parañaque Catholic Cemetery, base sa report ni Chief Insp. Michael Chavez, area supervisor ng Parañaque City Police.

Kapansin-pansin na kakaunti pa lamang ang bumisita sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City na umabot lamang sa 35; Maharlika Cemetery, 25; Bagumbayan Cemetery, 20; Hagonoy Cemetery, 200; Tipas Romas Catholic Cemetery, 50; Aglipayan Cemetery, 30; Garden of Memories, 10; Tuktukan Cemetery, 100; Heritage Park, 20; at wala pang bumibisita sa American Cemetery.

Bandang 12:00 ng tanghali, umabot na sa 1,200 ang bumisita sa Golden Haven Memorial Park sa Las Piñas City habang 900 sa Saint Joseph Cemetery, at 120 naman sa Manuyo Uno Public Cemetery.

Aabot naman sa 14 na patalim at matutulis na bagay, isang flammable material. at isang alak ang nakumpiska ng mga tauhan ng Las Piñas City Police.

Kaugnay nito, nasa kabuuang 13,934 na pulis at iba’t ibang force multiplier­s ang ipinakalat upang masiguro ang seguridad ngayong Undas, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa nasabing bilang, 5,355 sa mga ito ay pulis; 3,704 ang barangay tanod; 9,163 ang security guard; at 1,067 ang volunteer mula sa non-government organizati­ons ( NGOs) na pawang sisiguruhi­n ang seguridad sa 82 sementeryo, 21 columbary, 182 simbahan, 75 bus terminal, dalawang pantalan, at apat na paliparan sa Metro Manila.

Una nang nakipagtul­ungan ang NCRPO sa mga local government unit ( LGU) at ibang ahensiya ng pamahalaan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines