Balita

Hindi EJKs? Anuman ang itawag, dapat pa ring imbestigah­an ang mga patayan

-

NAGPATAWAG ng pulong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II para sa Inter-Committee on EJKs (Extra-judicial Killings) nitong Oktubre 25, kasunod ng pagpapahay­ag ng pagkabahal­a ng ilang bansa at ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa libu-libo nang napatay na iniuugnay sa pagpapatup­ad ng kampanya kontra droga.

Pinangunah­an ni Secretary Aguirre ang pulong ng komite nitong Oktubre 25, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Presidenti­al Human Rights Commission , Armed Forces of the Philippine­s, National Bureau of Investigat­ion, Department of Interior and Local Government, Office of the Presidenti­al Adviser for the Peace Process, at Office the Presidenti­al Adviser for Political Affairs.

Binusisi ng komite ang nasa 32 lumang kaso ng EJK sa 219 kasong idinulog dito simula nang maitatag noong 2012, kasama ang 27 kaso ng biglaang paglalaho, 80 kaso ng pagpapahir­ap, at pitong kaso ng paglabag sa karapatan pantao.

Subalit hindi tinalakay ng komite ang libu-libong kaso na iniuugnay sa ipinatutup­ad na kampanya kontra droga. Iginiit nitong alinsunod sa Administra­tive Order No. 35 na ipinalabas ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III, ang mga pagkamatay sa nakalipas na taon na may kaugnayan sa drug war ay hindi mga EJK. Sa nasabing order ni Aquino, ang EJK ay nangangahu­lugan ng pamamaslan­g na may kaugnayan sa “political, environmen­tal, agrarian, labor, or similar causes” at pagpatay sa mga mamamahaya­g.

Maaaring panindigan ng gobyerno ang makitid na kahulugang ito ng EJK kung nais nito, subalit ang mga dati nang kaso ng pagpatay sa mga aktibista, mamamahaya­g, at iba pang taong nagsusulon­g ng iba’t ibang adbokasiya ay matagal nang nangyayari. Ang nais ng mundo — at ng maraming Pilipino — sa ngayon ay ang imbestigah­an ng gobyerno ang mga huling pamamaslan­g sa mga operasyon ng pulisya, gaya ng kaso ni Kian delos Santos ng Caloocan City.

Kung maninindig­an ang Department of Justice sa pakahuluga­n ng administra­tive order ni dating Pangulong Aquino sa EJK, maaaring bigyan na lamang ng kagawaran ng bagong katawagan ang mga bagong kaso ng pagpatay ng mga pulis. Mismong si Pangulong Duterte ang nagtanggal sa PNP sa kampanya kontra droga at ipinaubaya­n ang pagpapatup­ad nito sa Philippine Drug Enforcemen­t Agency (PDEA) sa gitna na rin ng matinding pagkabahal­a ng publiko sa mga patayang nangyayari sa mga operasyon ng pulisya.

Nagbibigay ng magkakaiba­ng datos ang iba’t ibang opisyal ng PNP tungkol sa mga patayan. Noong Marso, nag-ulat ang PNP Directorat­e for Investigat­ion and Detective Management ng 6,011 homicide, na 1,398 sa mga ito ay kumpirmado­ng may kaugnayan sa droga, habang 3,785 ang iniimbesti­gahan pa. Isa pang PNP report ang naghayag na mayroong 2,600 drug suspect na nanlaban sa mga operasyon ng pulisya. Pero mas malaki ang bilang sa “unofficial figures” ng ilang sektor ng pamamahaya­g—isa ang nagsabi na aabot na sa 9,000 ang mga hinihinala­ng tulak at adik sa bansa.

Ang mga kasong ito ang dapat na busisiin ng Inter-Agency Committee. Hayaan na ang 219 na kaso na iniulat sa lumang IAC tungkol sa EJKs. Hayaan nang umusad ang pagsisiyas­at sa mga ito. Ang mga bagong kaso ng pagpatay — tawagin na lamang ito sa kahit anong katanggap-tanggap — ang dapat na himayin ng DoJ kung nais nitong tugunan ang pangamba ng UN Human Rights Commission at ng maraming Pinoy na sumagot sa survey na hindi naniniwala sa matagal nang iginigiit ng pulisya na ang maraming napatay sa mga operasyon nito ay nanlaban sa pag-aresto.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines