PH interest, mas matimbang kaysa utang na loob –Duterte
Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nakagapos ang Pilipinas sa utang na loob sa alinmang bansa at uunahin niya ang interes ng Pilipinas higit sa ano pa man.
Ito ang idiniin ng Pangulo nang sa wakas ay tinalakay niya ang isyu ng pinagtatalunang South China Sea sa harap ng nakatakdang pakikitapagpulong niya kina Chinese President Xi Jinping at Premier Li Keqiang.
Magkakaroon si Duterte ng bilateral meeting kay Xi sa 2017 AsiaPacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Da Nang, Vietnam, at makakapulong naman niya si Li sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Manila sa susunod na lingo.
Ayon kay Duterte, hangad pa rin niya ang mapayapang resolusyon sa iringan sa dagat ngunit hindi nagpapatali sa utang na loob ang bansa.
“Look, we are all for a peaceful negotiations. It’s always a mouthful of leaders saying rule-based and the UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea) prescribes a peaceful resolution of conflicts of nations,” ani Duterte nang tanungin ng isang miyembro ng Chinese media.
“We will stick to that. We are friends with China. May utang na loob tayo,” dagdag niya.
Ang tinutukoy ni Duterte ay ang tulong ng China sa digmaan sa Marawi City, Lanao del Sur. Gayunman, nais niyang liwanagin ang intensiyon ng mga Chinese.
“At one moment in our life or the lives of the Filipinos, they were there to give us the arms when we had none and we were fighting it out in Marawi,” aniya.
“Nagpapasalamat ako sa iyo. I do not deny that. But let us be clear on what we intend to do here because eventually it will affect the entire Philippine archipelago,” dagdag niya.
Ayon kay Duterte, hindi dapat gamitin ng China ang maging tulong nito bilang bargaining chip.
“These are the things that we cannot forget. But these things should not be used as, not really a pawn, but as bargaining chips on what is the greater interest of Southeast Asia and more particularly, the higher interest of our country,” aniya.