Paggunita sa pananalasa ng ‘ Yolanda’
ANG mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol, baha at tagtuyot ay may matinding pinsalang idinudulot sa mga tao. Mababanggit na halimbawa ang bagyong ‘ YOLANDA’ na sumalanta at nagpalugmok sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan sa Eastern Visayas, Samar, Leyte at Tacloban City noong Nobyembre 8, 2013. At nitong Nobyembre 8, ginunita ang ikaapat na taon ng pananalasa ng bagyong Yolanda –ang pinakamalakas na bagyo sa mundo na dumaan sa Pilipinas. Nasa 6,340 katao ang namatay at mahigit 1,000 ang hindi na natagpuan. Ang Tacloban City ang pinakamatinding naapektuhan ng bagyo. Umabot sa mahigit 2,000 ang nasawi at inilibing sa Holy Cross Memorial Garden.
Sa paggunita sa pagbayo ng Yolanda, nagdaos ng misa sa Tacloban City na inialay sa mga biktima ng bagyo. Binasbasan ni Palo Archbishop John F. Du ang puntod ng mga biktima na matatagpuan sa Holy Cross Memorial Garden, sa Tacloban City. Inialay naman ng Diocese ng Borongan sa Samar ang lahat ng misa para sa mga biktima ng Yolanda. May apat na taon na ang nakalilipas, ngunit para sa mga biktima ay isa itong hindi malilimot na bangungot at parang sugat na patuloy kumikirot.
Bumagsak ang kabuhayan ng may isang milyong mamamayan na naapektuhan ng higanteng mga alon. Nag-iwan ng dalamhati sa mga naulila ng mga biktima. Nawasak din ang mga paaralan at simbahan.
Sa tulong ng iba’t ibang international organization, NGO’s, relief goods at tulong- pinansiyal ng iba’t ibang bansa at ng ating pamahalaan, unti-unting bumangon at nakatanaw ng pag-asa ang mga biktima ng bagyo. Napilitan silang tumira sa mga stilt at bank house at sa mga tent. Doon nagsikap mabuhay. Naghintay sa mabilis na rehabilitasyon. Mailipat sa mga bahay na itatayo ng pamahalaan. Ang National Housing Authority (NHA) ang nangasiwa sa pagtatayo ng mga pabahay para sa mga biktima ng Yolanda.
Nakalulungkot na sa nakalipas na apat na taon, matapos manalasa ang bagyong Yolanda, ay hindi pa rin nalulutas ang mga problema ng mga nakaligtas sa bagyo tulad ng pabahay, trabaho, at tubig. Hindi pa rin ganap na nakababangon ang mga biktima. Lakad- pagong at usad-kuhol yata ang pagkilos ng pamahalaan.
Sa Tacloban City, nasa 4,000 pamilya ang naghihintay sa pangakong pabahay. Base sa report ng NHA, aabot sa 14,443 pabahay ang target. Ngunit sa ngayon, umaabot lamang sa 10,883 housing unit ang handa nang lipatan ng mga biktima. May 3,594 na unit pa ang ginagawa sa ngayon.
Sa Hilagang Cebu, ang NHA ay magtatayo ng 22,424 na housing unit. Saklaw ng pagtatayuan ang Lungsod ng Bogo at ang mga bayan sa Bantayan Island. Sa Kanluran Bisaya at maging sa Iloilo City ay magtatayo rin ng mga housing unit.
Sa paggunita sa ikaapat na taon ng pananalasa ng Yolanda, marami na ang nanawagan na bilisan ang pagtulong at rehabilitasyon. Hiniling din sa NHA na gawing zero ang mahigit 190,000 backlog sa pabahay para sa mga sinalanta ng bagyo. Bilisan at huwag ipitin ang paglalabas ng pondo para sa proyektong pabahay.