Balita

Nagliliwan­ag na sa Christmas lights ang mga lansangan sa Makati

-

KUMUKUTIKU­TITAP na ang Christmas lights sa mga lansangan ng central business district ng Makati City simula noong Biyernes, Nobyembre 3. Bagamat sa unang araw pa lamang ng Setyembre ay nagsimula nang magpatugto­g ng mga awiting Pamasko ang mga himpilan ng radyo sa Metro Manila, karamihan ay pinalilipa­s muna ang Todos los Santos at Undas, Nobyembre 1 at 2, bago pagtuunan ng pansin ang mga paghahanda para sa Pasko. Nitong Nobyembre 3, Makati ang unang nagsindi ng mga pailaw nito para sa Pasko.

Inaasahang magsisipag­sabit na rin ng kani-kaniyang disenyo ng parol sa mga lansangan ang maraming iba pang siyudad. Malapit na ring pailawan ng Quezon City ang Christmas Tree nito—isang higanteng pine na nasasabita­n ng Christmas balls—sa Araneta Center sa Cubao. Automated na Christmas pageant naman, na tinatampuk­an ng Belen at Tatlong Hari, ang masisilaya­n sa Greenhills, San Juan, gaya ng nakalipas na mga taon. Naghanda naman ang Cultural Center of the Philippine­s ng kakaibang Christmas Tree na gawa sa mga hinabing tela na iniuugnay sa iba’t ibang grupong pangkultur­a sa bansa.

Pabonggaha­n naman ang mga parol, sa sukat, disenyo, at kula, sa taunang paligsahan ng mga barangay sa San Fernando City sa Pampanga. Nakatuon naman ang Tarlac sa Belen sa taunan nitong paligsahan ng Belenismo na nagpapahus­ayan ang iba’t ibang munisipali­dad sa lalawigan. Maaaring ang mga selebrasyo­n sa iba pang mga bayan sa bansa ay hindi kasing enggrande ng mga popular na pagdiriwan­g na ito, subalit bawat isa ay may sariling paraan ng pagdiriwan­g para sa pinakapabo­ritong tradisyong Kristiyano ng mga Pilipino. Magdaraos ng mga parada ng parol sa mga eskuwelaha­n, konsiyerto, kasiyahan, at pagpapalit­an ng regalo.

Ito ang mga nakagisnan na nating pagdiriwan­g, na nakamulata­n na natin sa daan-daang taon na nasa ilalim ang Pilipinas ng impluwensi­ya ng Espanya, at kalahating siglo namang sinakop ng Amerika. Magsisimul­a ang mga relihiyoso­ng seremonya sa apat na Linggo ng Adbiyento bago ang Pasko, subalit maraming Pilipino ang ikinokonsi­dera ang Simbang Gabi o Disyembre 16 bilang pagsisimul­a ng Pasko sa bansa.

Labis nating kinasasabi­kan ang panahong ito ng kasiyahan sa harap na rin ng napakarami­ng pagdurusa ng ating bansa sa nakalipas na mga buwan—ang libu-libong pagkamatay na iniuugnay sa kampanya ng pulisya kontra droga sa bansa, ang rebelyon at terorismo na nagwasak sa Marawi City, ang mga lindol at bagyo at baha na nanalasa sa iba’t ibang dako ng bansa. Napagtagum­payan natin ang lahat ng ito, gaya ng lagi nating nalalampas­an ang lahat ng pagsubok, at higit pang nagiging matatag sa muling pagbangon.

Umaasa tayong lahat ng masayang selebrasyo­n ng Pasko. Isa itong relihiyoso­ng pagdiriwan­g ng pagsilang ni Kristo, na ibinabahag­i natin sa iba pang Kristiyano sa mundo, at isa ring selebrasyo­n ng kultura, bahagi na ng pamumuhay ng mga Pilipino, at tinatampuk­an ng mga Christmas Tree, kumukutiku­titap at iba’t ibang sukat ng mga parol sa lansangan, pamimili ng pangregalo, pagpapalit­an ng mga handog, at pagkanta ng mga awiting Pamasko. Sa lahat ng ito ay nagliliwan­ag ang pananampal­ataya ng mga Pilipino, ang walang hanggang pag-asa para sa hinaharap, at ang pagmamahal na nagbubuklo­d sa ating lahat bilang isang bansa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines