Balita

3 Vietnamese na- rescue mula sa Abu Sayyaf

- Nina AARON RECUENCO at FER TABOY

Naging pursigido ang militar na mailigtas ang 16 pang bihag ng Abu Sayyaf kasunod ng pagkakalig­tas nito sa tatlong Vietnamese hostage sa isang special operation sa bayan ng Languyan sa Tawi-Tawi, nitong Biyernes.

Ayon sa militar, mayroon pang pitong dayuhan at siyam na Pilipino na bihag ang mga bandido.

Sinabi ni Lt. Gen. Carlito Galvez, commanding general ng Western Mindanao Command (WesMinCom), na nailigtas ng militar nitong Biyernes ang tatlong Vietnamese na sina Buy Xuan Vien, Bui Trung Duc, at Nguten Quang Huy. Kaagad na ibiniyahe ang mga ito patungong Zamboanga City.

Gayunman, sinabi ni Galvez na ang kasama ng mga ito, ang ikaapat na bihag na Vietnamese na si Nguyin Huu Trong, ay wala nang buhay nang salakayin ng militar ang kampo ng Abu Sayyaf sa Kang Tipayan Island, dakong 8:00 ng umaga nitong Biyernes.

Ayon kay Galvez, namatay si Trong dahil sa sakit na matagal na nitong iniinda simula nang mabihag.

Kabilang ang apat na dayuhan sa mga tripulante ng Marine Vessel Giang Hai 5 na hinarang ng Abu Sayyaf sa karagatan ng Pangutaran sa Sulu noong Pebrero 25.

Lulan sa barko ang 17 tripulante subalit dalawa sa mga ito ang nasawi nang magtangkan­g tumakas sa pagdukot. Sampu sa kanila ang nailigtas kalaunan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines