Balita

Jeep bumaligtad, 17 sugatan

- Fer Taboy

Sugatan ang 17 pasahero, na kinabibila­ngan ng ilang guro, makaraang bumaligtad ang sinasakyan nilang jeepney sa Jordan, Guimaras kahapon.

Sinabi ni Senior Insp. Edwin Belarmino, hepe ng Jordan Municipal Police, na nangyari ang aksidente sa Barangay Alaguisoc, Jordan, matapos umanong magkarerah­an ang dalawang jeep sa Bgy. San Miguel.

Ayon kay Senior Insp. Belarmino, nasa 24 ang lulan sa jeep na minamaneho ni Danny Sabid, at karamihan sa mga ito ay guro na galing sa isang seminar sa Iloilo City.

Tinangka umano ni Sabid na mag-overtake sa J Brothers jeep na minamaneho ni Dominador Diamante, at may sakay na 18 katao.

Sa malas, nawalan ng kontrol sa manibela si Sabid hanggang bumaligtad ang kanyang jeep, habang bumulusok naman sa gutter ng kalsada ang jeep ni Diamante.

Inaresto ng pulisya ang dalawang driver, na kapwa nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines