Bangkay ng magnobyo lumutang sa dagat

Balita - - Pangunahing Pahina - Mar T. Supnad

PROVINCIAL CAPITOL – Mariing kinondena ng mga Bataeño ang brutal na pagpatay nitong Sabado ng gabi sa isang magkasintahan na ang mga bangkay ay natagpuang lumulutang sa karagatan ng Barangay Tortugas sa Balanga City—at nakumpirma pa ng pulisya na hinalay ang babae.

Nagmungkahi naman si Bataan Gov. Abet S. Garcia na lumikom ng hanggang P500,000 pabuya sa sinumang makapagtuturo sa pumatay kina Glorymay Carbonell y Abogado, 22, dalaga, tubong Bgy. Alas-asin, Mariveles at nakatira sa Pilar; at James Carl Guzman, 19, ng Bgy. Wawa, Abucay.

Ayon sa imbestigasyon, magkasintahan at kapwa empleyado ng isang fast food chain ang mga biktima na nitong Sabado ng gabi ay nagpasyang mag-date sa dalampasigan ng Wetland and Nature Park sa Bgy. Tortugas sa Balanga.

Simula noon ay iniulat nang nawawala ang magkasintahan hanggang natagpuan ng mga mangingisda ang lumulutang nilang mga bangkay—si Carbonell ay walang saplot sa katawan— sa karagatan sa pagitan ng Pilar at Orion.

Kinumpirma naman ni Chief Insp. Aylin Perez, hepe ng Bataan Police Provincial Office-Crime Laboratory, na hinalay si Carbonell. Ayon kay Perez, pinukpok ng matigas na bagay ang bibig, likod at iba pang bahagi ng katawan ng dalaga, habang sa likod ng ulo naman hinataw ng matigas na bagay si Guzman.

Sinabi naman ni Balanga City Police chief Supt. Joel Tampis na may suspek na sila sa krimen, pero tinututukan pa nila ang mga detalye ng isinasagawa nilang imbestigasyon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.