Maraming dapat maliwanagan
NATITIYAK ko na hindi nagbibiro si Pangulong Duterte sa kanyang alok na maging host o punong-abala sa isang pandaigdigang pagpupulong hinggil sa pangangalaga sa mga karapatang pantao. Determinado siya na ang naturang world summit on human rights ay isagawa sa Pilipinas upang maliwanagan ang sinasabing malawakang paglabag sa naturang mga karapatan na talamak din sa iba’t ibang bansa.
Maliwanag na ang alok ng Pangulo ay nakaangkla sa walang patumanggang pagbibintang na ang ating bansa ay pinamumugaran ng human rights violators noong sinaunang henerasyon hanggang sa kasalukuyan. Walang nakaliligtas sa ganitong mga sapantaha sapagkat maging ang United States, ilang bansa sa Middle East at iba pang lahi ay ginigiyagis din ng mga paglabag sa nabanggit na mga karapatan. Katakut-takot ang mga pamamaslang at pambobomba sa naturang mga bansa. Bakit nga naman sa Pilipinas lamang ibinubunton ang gayong mga pagbibintang?
Bagamat hindi pa ganap na naibubunsod, ang planong global summit on human rights ay kailangang lahukan ng iba’t ibang gobyerno sa daigdig sa pamamagitan ng kani- kanilang human rights commission. Sa gayon, matitiyak kung ang naturang mga tanggapan ay patas sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin; kung ang mga ito ay namimili lamang ng kanilang mga iniimbestigahan, tulad ng nagaganap sa ating bansa.
Napag-alaman ko na nakahanda ang Pangulo sa pakikipagtalakayan ng masalimuot na human rights issue saanman at kailanman. Kahit kaya kay US President Donald Trump upang maliwanagan ang mga sapantaha na ang mga sundalong Amerikano ay kasangkot sa masaker noong nakaraang digmaang pandaigdig? Maaaring kabilang na rito ang mga ulat na kabi-kabila rin ang mga pamamaslang sa ilang siyudad sa US.
Naniniwala ako na hindi rin makaliligtas sa pagtalakay ang sinasabing malawakang paglabag sa mga karapatang pantao sa ating bansa. Dapat lamang malantad at maliwanagan ng daigdig ang human...
rights violations sa ating mga kapatid sa media na biktima ng karumaldumal na Maguindanao massacre. Bukod pa rito ang nakakikilabot na Mamasapano massacre na ikinamatay ng ating mga bayaning SAF 44. Ang mga ito ay naganap noong nakaraang administrasyon. At dapat ding busisiin ang sinasabing extrajudicial killings (EJKs) ng mga sangkot sa illegal drugs at iba pang krimen.
Ang mga ito, at marami pang iba, ang dapat maliwanagan sa planong world summit on human rights.