Criminal charges vs 3 aktibista

Balita - - Balita - Mary Ann Santiago

Kinasuhan kahapon ng Manila Police District (MPD) sa Manila City Prosecutor’s Office sina Teddy Casino at Renato Reyes, Jr. at isa pang raliyista dahil sa pagdaraos ng marahas na rally, na ikinasugat ng isang anti-riot police, sa Maynila noong Linggo.

Kasong paglabag sa Public Assembly Act of 1985 (Batas Pambansa No. 880), Breach of Peach (Revised Ordinance 844), Assault Upon an Agent of a Person in Authority (Article 148, Revised Penal Code), Disobedience at Resistance (Article 151, RPC) ang inihain ng MPD-General Assignment Investigation Section (GAIS) at Criminal Investigation and Detection Unit laban kina Casino, leader ng Bayan Muna Party List; Reyes, Jr., leader ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan); at sa raliyistang si Neil Legaspi, 47.

Nabatid na inaresto si Legaspi matapos banggain ng minamanehong niyang van ang police line na naging sanhi ng pagkasugat ni PO1 Paulino Agcamaran.

Base sa reklamo, nagbabantay sa lugar ang mga elemento ng 1st PSC Company ng RPSB, NCRPO, na itinalaga upang magbigay ng seguridad sa 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN), nang mag-rally ang mga militanteng grupo sa lugar, bandang 1:00 ng hapon.

Pagsapit ng 3:00 ng hapon ay nagpumilit umano ang mga raliyista na umabante patungo sa police line ng RPSB para makalapit sa United States (US) Embassy, at inatake ang CDM contingents.

Habang tinatangka ng mga pulis na mapanatili ang kanilang linya upang mapigilan ang mga raliyista, dumating umano si Legaspi na sakay sa Nissan Urvan (NQN-437), at binangga at binuwag ang police line.

“As a result of the rally of the said militant groups, the peace and tranquility of the place was disturbed,” nakasaad sa reklamo. “In addition thereto, the action of Legaspi in bumping the police line using a vehicle thereby causing injury to PO1 Agcaramaran, a police officer engaged in the performance of duty, constitute Assault Upon an Agent of a Person in Authority. Lastly, for seriously disregarding an order given by the Police to refrain from bumping the police line, violates Article 151 of the Revised Penal Code.”

Nadamay naman sa kaso sina Reyes at Casino dahil sila ang organizers at nagsisilbing lider ng mga raliyista.

Samantala, naging mapayapa naman ang rally sa Chino Roces Bridge sa Mendiola kahapon.

Ayon sa MPD, nagdatingan sa lugar ang tinatayang nasa 2,000 miyembro ng mga grupong Piston, HEAD, Bayan Muna, Salinlahai, AWC, Gabriela, Anak Pawis, Anak Bayan NCR, Bayan NCR, Kadamay Balikwas, Lumad Moro, Courage, KMU, Migrante, Suara-Bangsamoro, KMP, at ACT sa ganap na 10:50 ng umaga.

Sa naturang rally, iginiit ng mga nasabing grupo ang kanilang pagtutol sa pagtapak sa bansa ni US Pres. Donald Trump at inakusahan si Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y tuta ng mga Amerikano.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.