Digong kay Lee: Suportahan ta ka
Pormal na inilipat ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang symbolic gavel kay Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong bilang host at chair ng 32nd at 33rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits and Related Meetings sa susunod na taon.
Ang gavel ang sumisimbolo sa ASEAN chairmanship. Tinanggap ni Duterte ang gavel mula kay Laotian Prime Minister Thongloun Sisoulith noong nakaraang taon.
Ginanap ang official turnover sa closing ceremony ng 31st ASEAN Summit and Related Meetings sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, nitong Martes ng gabi.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na isang karangalan para sa Pilipinas na maging punong abala ng “fruitful and productive” exchanges ng mga lider ng 10 kasaping bansa sa mga isyu na mahalaga sa rehiyon at sa buong mundo.
“We hope to translate [them] into concrete actions that would benefit the peoples of our region,” ani Duterte.
Tiniyak ni Duterte kay Lee na maaasahan ng Singapore ang parehong suporta na ibinigay nito sa Pilipinas sa panahon ng kanyang chairmanship.
“The Philippines will be there with you and will be working with you, with other ASEAN Member States, Dialogue Partners, and external parties in moving ASEAN community towards building forward,” aniya.
Opisyal na uupong chairman ng ASEAN ang Singapore sa unang araw ng 2018. Muling magsisilbing host at chairman ng ASEAN ang Pilipinas sa 2027.
Sa kanyang talumpati sa closing ceremony, sinabi ni Lee na isusulong at pangangalagaan ng Singapore ang rules-based regional order upang mas mahaharap nang mabuti ng ASEAN ang mga umuusbong na hamon sa seguridad.
Tiniyak din niya ang patuloy na regional economic integration upang manatiling competitive at masagana ang ASEAN.