Balita

Trece na sa Celtics

-

NEW YORK (AP) — Nagbalik aksiyon si Kyrie Irving at nanatiling malupit kahit may suot na mascara sa naiskor na 25 puntos para sandigan ang Boston Celtics kontra Brooklyn Nets, 109102, nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Naitala ng Celtics ang ika-13 sunod na panalo matapos ang 0-2 simula at tangan ang momentum sa pakikipagt­uos sa defending champion Golden State Warriors sa Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nag-ambag si Marcus Morris ng 21 puntos at 10 rebounds, habang kumana si Jayson Tatum ng 19 puntos para sa Celtics.

Hindi nakalaro si Irving sa nakalipas na laban nang sumailalim sa ‘ concussion protocol’ nang mabagsakan ng siko sa mukha ng kasanggang si Aron Baynes sa nakalipas na Biyernes.

Nanguna sa Nets sina Joe Harris at Rondae Hollis-Jefferson na may 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasun­od, habang kumasa sina Allen Crabbe at Caris LeVert ng tig-15 puntos. Hindi nakalaro si Net star D’Angelo Russell bunsod ng injury sa kaliwang tuhod.

SPURS 97, MAVS 91

Sa Dallas, naitala ni LaMarcus Aldridge ang season-high 32 puntos sa panalo ng San Antonio Spurs kontra Mavericks.

Tinanghal si Gregg Popovich na ‘fastest NBA coach’ na nagwagi ng 500 sa road game. Tangan niya ang kabuuang 835 career-win, 41 ang layo kay Pat Riley.

Nailista ni Aldridge, produkto ng Dallas’ Seagoville High School, ang walong sunod na puntos sa krusyal na sandali ng fourth period, habang umiskor si Patty Mills ng season-high 19 puntos sa Spurs.

Nanguna si rookie Dennis Smith Jr. sa Dallas sa natipang career-high 27 puntos at humugot sina J.J. Barea at Harrison Barnes ng tig-16 puntos. Tangan ng Mavericks ang 2-13 karta sa ikalawang sunod na season.

RAPTORS 129, ROCKETS 113

Sa Houston, nabigong sumambulat ang opensa ng Rockets para maagaw ng Toronto Raptors, sa pangunguna ni DeMar DeRozan na may 27 puntos ang panalo.

Hataw si James Harden sa Houston sa naiskor na 38 puntos. Tampok ang 19-of-19 sa free throw, 11 assists at anim na rebounds. Naputol ang winning streak ng Rockets sa anim.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines