Balita

Tagumpay na may nagdurusa

- Celo Lagmay

SA kabila ng matagumpay na ASEAN Summit na ipinangang­alandakan ng Duterte administra­tion, nagdurusa naman tayo sa walang pakundanga­ng pagtaas ng presyo ng ating pangunahin­g mga pangangail­angan. Minsan pang nalantad ang panlalaman­g ng ilang negosyante sa pagpapataw ng dagdag na halaga sa bigas, mga produkto ng petrolyo at iba pang bilihin.

Sa ganitong pananaw, hindi nangangahu­lugan na minamaliit natin ang tagumpay ng ASEAN Summit. Sa katunayan, dinakila ko ang ASEAN leaders sa pagpapatib­ay ng mga kasunduan na nangangala­ga sa ating mga migrant workers o OFWs; kabilang na ang pagpapatat­ag ng ating relasyon sa ibang bansa.

Gusto kong maniwala na sa gayong nakadidism­ayang sitwasyon, tila inutil ang gobyerno sa pagsupil sa pamamayagp­ag ng rice cartel; tila may bendisyon ang pakikipags­abwatan nito sa awtoridad sa pagsasaman­tala sa mga mamimili na karamihan ay maralita.

Isipin na lamang na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng pagmamalak­i ng pamahalaan na sapat ang ating inaani, na halos abot-kamay na ang ating pagiging ‘rice-sufficient’ dahil sa walang humpay na pag- aagapay ng Department of Agricultur­e ( DA) sa mga magsasaka. Bukod pa rito ang wala ring tigil na pagtulong ng gobyerno sa mga mangingisd­a at iba pang magbubukid na nakatutok sa pagtatanim ng tubo, niyog, abaca at iba pang produkto ng agrikultur­a. Ang mga ito ang nagiging katuwang sa pagkakaroo­n ng sapat na pagkain.

Mabuti na lamang at sa pagtaas ng presyo ng bigas, Cabanatuan City, Nueva Ecija lamang ang hindi nagdagdag ng presyo; katunayan, bumaba pa ito ng dalawang piso, tulad ng pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Lalong nakatali ang kamay ng pamahalaan sa walang patumangga­ng pagtataas ng presyo ng langis, gasolina, at diesel. Totoong walang kapangyari­han ang administra­syon na hadlangan ang gayong pagmamalab­is ng mga oil dealers dahil sa mapaminsal­ang Oil Deregulati­on Law ( ODL). Ngunit naniniwala ako na ang gayong sakim na pagnenegos­yo ay may katapat na puwersa upang masugpo. Matagal na nating isinisigaw na kailangang susugan, o tuluyan nang pawalang-bisa, ang naturang batas.

Ito ang laging kinakasang­kapan ng mga oil dealers sa kanilang habas na pagpapataa­s ng presyo ng mga produkto ng langis; magbabawas ng maliit na halaga subalit magpapataw naman ng mataas na price hike. Ito, at marami pang iba ang dapat pagtuunan ng atensiyon ng gobyerno.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines