Dizon at Bejosano sa Phinma second round
NAISAAYOS nina Filipino netters Melanie Faye Dizon at Virvienica Isearis Bejosano ang duwelo sa second round matapos magwagi sa kani-kanilang laban sa opening nitong Miyerkules ng Phinma-PSC International Juniors 1 sa Manila Polo Club indoor claycourt sa Makati City.
Ginapi ni Dizon si Indian Annika Kannan, 1-6, 6-1, 6-4, habang namayani si Bejosano sa kababayan na si Raiana Felinne Aquino, 7-5, 1-6, 6-4.
Ito ang ikalawang international tournament kay Dizon na nagpamalas ng katatagan sa 1st ITF Perlis Junior Championships nitong October sa Malaysia. Natalo siya ni Carol Youngsuh Lee ng Northern Marianas Island, 2-6, 0-6, sa second round ng naturang torneo.
Mas beterana si Bejosano na sumasabak sa Brunei ITF Juniors Circuit mula noong 2014.
Samantala, nasilat si top seed Taiwanese Chang Ting-Pei ni American Nicole Hammond, 1-6, 0-6. Hindi rin nakatagal si third pick Chinese Li Xuanjin kontra Malaysian Elysia Wan, 4-6, 2-6.
Sunod na makakaharap ni Hammond si Australian Angelina Graovac, nagwagi kay Filipino wild card Maria Patricia Lim, 6-1, 6-3.
Sa pagkawala nina Chang at Lim ang nalalabing seeded player ay sina No. 2 Lisa Mays ng Australia, No. 4 Lin Wing Ka ng Hong Kong, No. 5 Yuna Ohashi ng Japan, No. 6 Aesha Patel ng United States at No. 7 Lai Pei-Yu ng Chinese Taipei sa main draw ng Grade 4 event na inorganisa ng Philippine Tennis Association (Philta) at sanctioned ng International Tennis Federation (ITF).
Umusad si Mays ng gapiin si Malaysian Elsa Wan, 3-6, 6-1, 6-1,at sunod na makakaharap si Chinese Li Jingyi, nagwagi kay Filipino wild card Bliss Bayking.