Person- of- interest sa Pasig- slay, positibo sa droga
Nagpositibo sa droga ang isa sa limang persons-of-interest sa panghahalay at pagpatay sa 22-anyos na bank employee sa Pasig City.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Eastern Police District (EPD) director Chief Supt. Romulo Sapitula.
Sinabi niya na si Randy Oavenada, 37, driver ng Timber Port Enterprises, ay gumagamit ng ilegal na droga base sa naging resulta ng drug test.
Matatandaang nitong Nobyembre 12, natagpuang patay si Mabel Cama sa impounding area ng Mega Bus Line sa Ortigas Ave. sa Barangay Rosario, Pasig. Sinunog ang ibabang bahagi ng kanyang katawan at pinaniniwalang ito ay upang pagtakpan ang krimen.
Kamakailan lang, isinailalim din ang limang lalaki sa polygraph examination sa PNP Crime Laboratory. Nagbigay na rin sila ng affidavits sa Pasig Police na gagamiting basehan sa polygraph examination.
Samantala, sinabi ni Sapitula na kasalukuyang tinutugis ang isa sa limang suspek. Gayunman, tumanggi siyang pangalanan ito at sinabing nais muna nilang masiguro na ito ang gumahasa at pumatay sa bank teller.
Base sa post-mortem ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), ang sanhi ng pagkamatay ni Cama ay traumatic injuries sa ulo na sanhi ng “a blunt instrument.”
Iniulat ng SOCO na hindi matutukoy ang pang-aabuso dahil sinunog ng killer ang ari ng biktima, sinabing walang nakitang spermatozoa.
Sa kabilang dako, naniniwala ang awtoridad na ginahasa si Cama bago siya pinatay. Hinala nila, ang pagsunog sa ibabang bahagi ng katawan ng biktima ay parte ng cover up.
Kaugnay nito, nag-alok si Camarines Norte Mayor Lourdes Villamonte ng P50,000 bilang gantimpala sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang mahuli ang suspek.