Balita

Pagsibak sa mga pulis na ‘nanloob’ inirekomen­da

- Fer Taboy

Inirekomen­da ng Internal Affairs Office (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ang pagsibak sa mga pulis ng Caloocan City na nagdala ng menor de edad sa isang bahay na sinalakay nang walang search warrant noong Setyembre 7.

Ayon kay IAS Inspector General Alfegar Triambulo, isinumite na niya ang rekomendas­yon ng kanyang tanggapan kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa.

“Ipinadala ko na kay PNP chief ang rekomendas­yon ng IAS” sabi ni Triambulo.

Nagsampa ang IAS ng kasong administra­tibo ng kapabayaan sa tungkulin laban kay Chief Inspector Timothy Aniway, Jr., commander ng PCP 4 ng Caloocan City.

Tatlong bilang ng grave misconduct and conduct unbecoming of a police officer ang isinampa naman laban kina Senior Inspector Warren Tano Peralta, Police Officers 1 Ariel Furlo, Marvin Poblete, Sherwin Rivera, Jay Gabata, Sampang Sampurna II, Rene Llanto, Louie Serrano, Jaypee Talay, Ronelio Julaton, Jay-ar Sabangan, Jaime Natividad, Michael Angelo Miguel at Joey Leaban.

Pilit pinasok ng 14 na pulis at dalawang sibilyan, kabilang ang 15anyos na lalaki, ang bahay ni Gina Erobas sa Barrio Sta. Rita, Barangay 188, Tala, Caloocan City noong gabi ng Setyembre 7.

Tinangay ng grupo ang mga personal na gamit ni Eroba kabilang ang dalawang Swatch wristwatch­es, na nagkakahal­aga ng P6,000; isang Citizen wristwatch, P3,000; isang cell phone, P12,000; at wallet na may laman na P6,000.

Una nang sinabi ng mga pulis na si Erobas ang target sa operasyon, ngunit sinabi ng mga opisyal ng barangay na hindi sangkot ang babae sa kahit anong ilegal na aktibidad.

Napag-alaman din na walang warrant ang mga pulis sa pagsalakay sa bahay ni Erobas.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sinibak ni National Capital Region Police Office director Oscar Albayalde ang buong puwersa ng Caloocan City police.

Nahaharap na ang mga pulis sa kasong kriminal na inihain ng Public Attorney’s Office noong Setyembre 27.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines