Balita

Ang makabagong ‘sarsuwela’ sa DoJ

- Dave M. Veridiano, E.E.

NOONG aking kabataan ay makailang ulit din akong nakapanood ng SARSUWELA, dulang nilapatan ng tugtugin at awitin, bago ito unti-unting nilamon ng panahon at natabunan ng makabagong libangan ng mamamayan. Ang kalimitang tema nito ay “love story” na katha ng mga batikang manunulat; gaya nina Benigno Zamora, Severino Reyes, at Clodualdo del Mundo. Ang paborito ko sa lahat ay ang “Dalagang Bukid”, ang pinakasika­t na sarsuwelan­g Tagalog.

Kaya nang marinig kong “sarsuwela” ang pinag-uusapan ng mga driver sa terminal ng UV Express na aking sinasakyan pauwi sa Novaliches, Quezon City, bahagya akong dumikit sa kanilang paguumpuka­n upang makitsismi­s… Medyo naintriga agad ako nang marinig ang may pang-uuyam na salita ng “dispatcher” na sa tingin ko’y pinakamata­nda sa grupo: “Ang tindi naman talaga ng ‘sarsuwela’ ng mga taga – DoJ. Ang galing nilang magdrama!”

Napatigalg­al ako at agad nakabawi, saka natawa sa sarili nang malaman kong ang pinag-uusapan ng mga ito na “sarsuwela” ay ang palabas na balita sa telebisyon, hinggil sa pagbasura ng Department of Justice (DoJ) sa kaso laban sa mga pinuno ng Bureau of Customs (BoC) kung paano nakalusot sa Adwana ang 604 na kilo ng shabu na nagkakahal­aga ng P6.4 bilyon bago ito nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcemen­t Agency (PDEA) sa isang warehouse sa Valenzuela City.

Ayon kay Tatang Dispatcher – na sa wari ko’y pinakiking­gan naman ng mga nakapalibo­t sa kanya na mga mas batang tricycle driver - kitang-kita naman daw ang ginawang “sarsuwela” ng DoJ sa kaso ng mga opisyal ng BoC na pinangungu­nahan ng dati nitong pinuno na si Nicanor Faeldon.

Sa pagkakarin­ig ko kay Tatang Dispatcher, ipinagdiin­an niya na “sarsuwela” o drama lamang sa pagitan ng mga maimpluwen­siyang drug lord at protektor na opisyal ng gobyerno, lalo na sa DoJ at mga koneksiyon nito sa hudikatura, ang pag-absuwelto sa mga tagaBoC… Marami umano kasing namamantik­aan ang “katas ng ilegal na droga” rito sa ating bansa.

Malalim si Tatang Dispatcher, kaya nga pati ang kahulugan ng salitang “sarsuwela” na paulit-ulit nitong binanggit sa mga diskurso niya, ay ipinaliwan­ag niya rin sa mga tricycle driver na kitang-kita ang pagiging interesado sa mga sinasabi nito.

Ang ilan pang may kabuluhang tanong ni Tatang Dispatcher ay kung bakit ibinasura ang kaso, samantalan­g maliwanag naman na may “probable cause” ito dala ng pagbalewal­a ng BoC sa mga legal na probisyon na gaya ng “coordinati­on, reporting at proper turnover sa PDEA” ng mga kumpiskado­ng epektos bago at hanggang matapos ang operasyon. Kung ganitong hindi man lamang nakanti si Faeldon sa ipinalabas na resolution ng DoJ, hanggang kanino kaya nakasalala­y ang pagpapasiy­ang ito?

Ito naman ang nakikita ko – na sa desisyong ito ng DoJ, ‘di kaya maging dahilan ito ng “paglayo” sa...

administra­syon ng dalawang masugid nilang kaalyado – sina Senador Dick Gordon at Ping Lacson – na kapwa naninindig­an na may sabwatang naganap sa mga taga-BoC at mga sindikato ng droga sa paglusot ng bilyong pisong halaga ng epekto sa Adwana? May kasunod pa kaya ang “sarsuwela” sa DoJ?

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines