Kung saan makikinabang
SAkabilangmanaka- nakangpaglipat ng ilang miyembro ng Liberal Party (LP) sa naghaharing Partido Demokratikong Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban), naniniwala ako na walang dapat ikabahala si Vice President Ma. Lourdes “Leni” Robredo. Katunayan, mismong si Robredo – bilang tagapangulo ng minsang naging makapangyarihang LP – ang nagpahiwatig na ang nautrang pag-aalsa-balutan, wika nga, ng ilan sa kanyang mga kaalyado ay hindi sapilitan at ito ay sarili nilang kapasiyahan.
Totoong hindi dapat matigatig si Robredo sa unti-unting pagnipis ng kasapian o membership ng LP. Manapa, isa itong makabuluhang pagkakataon upang paigtingin niya ang muling pagpapatatag ng kanyang partido na ang ilang miyembro ay lumulundag sa barko ng PDPLaban.
Sa kabila ng gayong mistulang pag-aalsa sa lapian, natitiyak ko na marami pang matapat na partymates si Robredo sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. Sa Senado at Kamara, naririyan pa rin ang matatapat na LP members na hindi natutukso na sumapi sa alinmang grupo ng mga pulitiko. Marami pa ring local government officials ang hindi nayayanig sa kanilang panunungkulan.
Bagamat wala akong kaalaman sa mga estratehiyang pampulitika ni Robredo, natitiyak ko patuloy ang pakikisalamuha niya sa kanyang mga kapartido; kaagapay niya ang mga ito sa paglulunsad ng makatuturang mga proyekto sa mga kanayunan at kalunsuran, lalo na sa tinatawag niyang nasa laylayan ng lipunan. Ang pagpapatatag ng kanyang lapian ay isang epektibong paraan upang ito ay manatiling nakahanda sa anumang sagupaang pampulitika. Ang pagpapalipat-lipat ng mga pulitiko sa iba’t ibang partido o yaong tinatawag na mga political butterfly ay hindi na bago sa ating bansa, lalo na ngayon na umiiral ang multiparty system. Hindi pa natatagalang nagpapalit ang administrasyon nakaabang na sa paglipat ang mga pulitiko – at maging ng iba pa nilang mga kaalyado – sa manunungkulang pangasiwaan. Iiwan ang kanilang partido at sasapi sa tinatawag na majority party.
Hindi mahirap unawain ang pagiging mistulang oportunista ng ilang pulitiko. Palasak ito lalo na noong umiiral pa ang two-party...
system. Halos isiksik nila ang kanilang sarili sa isang naghaharing partido kahit na sila ay minsang naging katunggali ng aaniban nilang lapian. Laging nakaukit sa kanilang utak ang mga biyaya at kaluwagan na tatamasahin nila sa lilipatang grupo.
Ang ganitong kalakaran, kung sabagay, ay bahagi na ng ating kulturang pampulitika. Bigla kong naalala ang bukam-bibig ng kaibigan kong pulitiko na laging palipat-lipat ng partido: Kung saan ako makikinabang. Sana, hindi ganito ang laging paninindigan ng ibang pulitiko.