Balita

GMA sinisi ni Noynoy sa problema sa MRT

- Ni MARTIN A. SADONGDONG

Nagsalita na kahapon si dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III kaugnay ng mga usaping isinisisi sa kanyang Gabinete, partikular ang tungkol sa maintenanc­e contract ng Metro Rail Transit (MRT)-3—na isinisi niya sa hinalinhan niyang si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Nagbigay ng pahayag ang dating Pangulo matapos ang misa para sa paggunita sa ika-85 kaarawan ng kanyang ama, si dating Senador Benigno Simeon “Ninoy” Aquino Jr. sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Ayon kay Aquino, dapat na isisi ang mga problema ng MRT-3 sa dating presidente, na ngayon ay kongresist­a na ng ikalawang distrito ng Pampanga, at hindi sa kanya.

“Ang tanda ko dapat merong overhaul na nangyari sa MRT. Kapag overhaul talagang... hindi churap churap lang. Major ‘yung pag-aayos. Dapat ito, kung tama ang tanda ko ay 2008, hindi ginawa ‘yun. Parang malaki na sabihing minor overhaul pero mukhang masasabing halos walang ginawa. So, ‘yung life span na dapat inabot ng MRT nabawasan dahil hindi ginawa ‘yung overhaul,” paliwanag ni Aquino.

Dagdag pa ni Aquino, nag-expire na ang kontrata ng Japanese maintenanc­e provider na Sumitomo Corporatio­n noong Hunyo 2010, bago pa siya naging presidente.

“Tapos dumating ‘ yung punto na sinabi ni Sumitomo ‘alam n’yo sobra ang paggamit n’yo dito sa MRT, luma na ‘ yung signalling equipment n’yo, etcetera, so kung tutuloy namin ‘yung maintenanc­y n’yo kailangan namin taasan ‘yung presyo, at pagtapos taasan ‘yung presyo, dahil sobra-sobra ‘yung paggamit n’yo, hindi na rin namin kayo bibigyan ng warranty,” paliwanag pa niya.

Sinabi ni Aquino na hindi siya pumayag sa mga kondisyong ibinigay ng Sumitomo Corporatio­n, kaya lumagda ang pamahalaan ng bagong kontrata sa PH Trams- CB& T Joint Venture.

Matatandaa­ng 13 dating matataas na opisyal ng administra­syong Aquino ang kinasuhan kamakailan ng plunder sa Office of the Ombudsman kaugnay ng kontrata ng MRT sa Busan Universal Rails, Inc. (BURI) para sa pagmamanti­ne ng ngayon ay halos araw-araw na may aberyang MRT.

Samantala, dumalo rin sa misa para sa kaarawan ni Ninoy ang iba pa niyang anak na sina Ballsy, Pinky, at Viel, kasama ang iba pang kaanak, malalapit na kaibigan, at mga tagasuport­a.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines