TAMBULISLIS
Ika-97 labas
NALAMAN
na ng mga tambulislis kung sino ang utak sa likod ng pagdukot kay Mang Daniel at kung ano ang rason. Nagpaplano na sila kung paano matutulungan si Mang Edgardo na mailigtas ang kaibigang si Mang Daniel mula sa mga tauhan ng Don.
“Paano natin mauutusan si Don Andres na pakawalan si Mang Daniel?” tanong ng isang tambulislis na kasama sa grupo ni Malut.
“Hindi naniniwala sa mga nilikhang katulad natin ang taong ‘yun kaya tiyak na mahihirapan tayong makumbinsi sa paramdam at parinig lang,” wika ng isa pang tambulislis.
“Hindi parinig at paramdam ang gagawin natin kay Don Andres,” sagot ni Malut. “Pupunta tayo sa malaking bahay niya sa kabayanan at uutusan siyang palayain ng mga tauhan niya si Mang Daniel.”
“Kung hindi siya sumunod sa utos natin?” tanong ni Turiray.
“Hindi natin siya sasaktan o tatakutin tulad ng ginagawa ng mga tao sa kanilang kapwa kapag gustong pasunurin sa nais mangyari,” sagot ni Malut. “Kikilitiin natin siya nang kikilitiin hanggang sumunod sa ating iniuutos.”
“Tama,” sagot ni Oryung. “’Yun nga ang dapat nating gawin para matulungan si Mang Edgardo na mapalaya ang kanyang kaibigan sa mga tauhan ni Don Andres!”
“Akong kikiliti sa kanya,” wika ni Bulinggit. “Kikilitiin ko siya sa lahat ng bahagi ng katawang may kiliti para sumunod sa gusto nating mangyari.”
“Ngayon na ba tayo lalakad papunta sa bayan?” tanong ng isa pang tambulislis.
“Mamayang gabi,” sagot ni Malut. “Baka mauwi sa eskandalo kung araw nating gagawin ang ating balak. Isa pa, hindi nakasanayan ng mga tambulislis na sa araw gawin ang pangingiliti sa mga tao.”
Samantala, nanatili si Mang Edgardo sa malagong damuhang hindi kalayuan sa bagong gawang koprahan sa lupain ni Don Andres sa burol ng Mahantik upang maghintay ng pagkakataong matulungang makatakas ang kumpare.
Bagamat madalas kagatin ng iba’t ibang insektong gumagala sa mataas na bahagi ng kalupaan, hindi siya umalis para maghintay ng pagkakataong magawa ang balak.
Dahil sa malaking perang kikitain sa krimeng ginawa, tuloy sa mahigpit na pagbabantay sina Dodong, Sendong, Rading at Rolan upang hindi makatakas si Mang Daniel.
Samantala, matapos ang pag-uusap nila Don Andres at Harry para sa huling pagbibigay ng bilin sa mga dapat gawin, sumakay ang huli sa motorsiklo at lumabas sa malawak na bakuran ng mansiyon ng pinakamayamang tao sa bayang nakakasakop sa Barangay Bayan-bayan. Napahabolna lang ng tingin si Tandang Edoy sa tauhan ni Don Andres na lumabas sa malawak na bakurang pinagtratrabahuhan bilang bantay at hardinero.
Muling naglakbay ang kinalululanang motorsiklo ni Harry sa kalsada nang makalabas ng bayan hanggang makarating sa provincial road na karugtong ng kalsada ng Barangay Bayan-bayan.
Tumigil ang pagpapatakbo niya sa motorsiklo nang malapit na sa bagong gawang koprahan sa burol ng Mahantik para muling isuot ang bonnet upang hindi makilala ng kanilang bihag.
Hindi nalingid kay Mang Daniel na bumalik na sa munting kuwarto ng koprahan ang nalikhang ingay ng motorsiklo ni Harry. Wala siyang sinayang na sandali, mabilis siyang sumilip sa siwang ng dingding na kawayan at pinagmasdan ang dumating na tauhan ni Don Andres Hamoria.
“Nakasuot pa rin ng bonnet ang nagbalik nilang kasamahan,” wika ni Mang Daniel. “Talagang iniiwasan nilang makita ko ang kanilang mukha para hindi ko sila makilala.” Itutuloy...