Ika-98 labas
TULAD
ni Mang Daniel, hindi rin nakaila ang nalikhang ingay ngmotorsiklong kinalululanan ni Harry kay Mang Edgardo kaya nakita ang dumating na sasakyan mula sa pinagtataguan niyang damuhan. Muli, tulad ng kababata, kumpare at matalik na kaibigan, itinutok niya ang paningin sa dumating na lalaki sa pagnanais makilala ngunit nabigo siya dahil sa suot na bonnet.
Tuloy-tuloy na naglakad si Harry papasok sa bagong gawang koprahan matapos iparada ang sinakyang motorsiklo sa tabi ng isa pang motorsiklo at traysikel na ginamit ng kanilang grupo sa pagdadala kay Mang Daniel sa burol ng Mahantik matapos dukutin sa bahay-bakasyunan sa barangay Bayan-bayan. Agad lumapit sa lider ng kanilang grupo si Dodong, Sendong, Rading at Rolan para malaman ang mga bagong pangyayari sa krimeng ginawa nila kapalit ng malaking halaga ng salapi.
“Ibinigay ko na kay Don Andres ang cellphone ni Mang Daniel,” wika ni Harry. “Anumang oras, kakausapin niya ang pamilya ni Mang Daniel kapag pumayag sa kondisyon at kapalit ng kaniyang kalayaan!”
“Pera na itong maliwanag,” sagot ni Rolan. “Tiyak na papayag si Mang Daniel dahil hindi niya ipagpapalit ang buhay niya at pamilya sapera at kondisyong huwag babalik sa barangay na ito!”
“Tiyak na ganoonang mangyayari,” wika ni Harry. “Kahit sinong nasa kalagayan niya, gano’n ang gagawin!”
Kahit hindi nakisawsaw sa paguusap sila Dodong, Sendong at Rading, ang pangyayaring tinalakay ng mga kasamang sina Harry at Rolan ang nasa kanilang utak. At tulad ng dati, lingid sa kaalaman ng limang tauhan ni Don Andres, pinatalas ng husto ni Mang Daniel ang pandinig para maulinigan ang pag-uusap ng limang lalaking mahigpit din sa kaniyang nagbabantay. Ngunit tulad ng una niyang pagtatangka, hindi niya narinig ang pag-uusap kaya nanatiling walang kasagutan sa maraming tanong sa pangyayari niyang kinasangkutan.
Kahit si Mang Edgardo, pinilit ding maulinigan ang pag-uusap ng limang lalaking may suot na bonnet ngunit nabigo rin dahil higit na malayo ang kinaroonan sa mga taong taong naguusap.Kaya tulad ng mga nilikhang tambulislis, wala siyang nagawa kung hindi maghintay ng pagkakataong matulungan ang kababata, kumpare at matalik kaibigan hanggang sumapit ang gabi.
“Kapag malalim na ang gabi, pupunta tayo sa bayan para gawin angating balak paratulungan si Mang Edgardo sa pagpapalaya kay Mang Daniel,” wika ni Malut.
“Dapat lang na matulungan natin si Mang Edgardo,” sagot ni Oryung. “Malaki ang paniniwala kong siya ang ama mo, Malut!”
“’Yan din ang kutob ko,” sagot ni Bulinggit.
“Kahit ako,” sang-ayon ni Turiray.
“Salamat sa inyong pakikiisa sa balak kong pagtulong sa aking ama,” wika ni Malut. “Hayaan ninyo, kapag kayo naman ang tutulong sa taongkalahi ng inyong pinagmulan, tutulungan din namin kayo!”
Sa sinabi ni Malut, nakadama ng malaking tuwa at saya ang mga kasamahang nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan. Mga nilikhang tulad ng tiyanak, pinaniniwalaan sa lalawigang nakakasakop sa barangay at kalapit na nagmula sa sanggol na namatay at lumabas sa sinapupunan ng ina samaling panahon. Ngunit likas na magkaiba ang dalawang nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan dahil hindi nanakot o nananakit ang tambulislis, sa halip kinikiliti ang taong nais biruin. Madalas gawin ng mga nilikhang itoang pagbibiro sa mga tao kapag natutulog ng mahimbing at nagiisa sa higaan.
At matapos ang saglit pang pag-uusap para talakayin ang nabuo nilang balak para tulungan si Mang Edgardo, pumailanlang at nagpalutang-lutang sa ere si Malut at mga kasamahang tambulislis para pumunta sa mansyon ni Don Andres Hamoria.