Sharon-Robin movie, tumabo na ng R100M
TOTOO kaya ang narinig naming muling gagawa ng pelikula sina Robin Padilla at Sharon Cuneta sa 2018 o 2019? Isipin mo, Bossing DMB, kasalukuyang tumatabo ng pera sa takilya ang Unexpectedly Yours. As of December 4, naka-P100M na ang pelikula ng ShaBin kasama ang JoshLia ( Julia Barretto at Joshua Garcia).
Marami siguro ang nabitin sa tambalang Robin at Sharon kaya puwede pa ring umulit ng pelikula pagkalipas ng isa o dalawang taon para hindi naman pagsawaan ng tao.
Ang tanong, sino na ang magdidirek dahil kung hindi kami nagkakamali ay isang pelikula na lang ang gagawin ni Direk Cathy
Garcia-Molina bago siya magretiro at manirahan sa ibang bansa kasama ang mga anak.
Gustung-gusto ng ShaBin si Direk Cathy dahil sa maikling panahon ng pagtatrabaho nila ay napabilib sila ng direktora at lumabas pang maganda ang pelikula. Huwag isnabin, Grade A ito ng CEB.
Kung sabagay, naririyan naman sina Olive Lamasan, Rory Quintos, Mae Cruz at iba pang in- house director ng Star Cinema na puwedeng magdirek ng follow-up movie ng dalawa.
Ang tanong, ano ang bagong kuwento na lalampas sa kilig scenes ng Unexpectedly Yours?
Unexpectedly, tumitiba ng milyun- milyon sa takilya ang balik-tambalan nina Robin at Sharon after 16 years.