Balita

3 tumulong magtapon ng bangkay sumuko

- Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea

Tatlong lalaki, kabilang ang dalawang teenager, ang sumuko kahapon sa Pasay City Police nang masangkot sa pagpatay sa isang babae noong nakaraang buwan na ang bangkay ay inabandona sa South Luzon Expressway (SLEx) sa Cabuyao, Laguna.

Sa tulong ng kanilang pamilya at kamag-anak, kusang sumuko ang tatlong suspek, sina Melvin Astorida, 18; Russel Torres, 18, pinsan ng primary suspect, at Buboy Phi, 23, sa Maricaban Police Community Precinct (PCP-8) dakong 1:00 ng madaling araw, ayon kay PCP-8 commander Senior Inspector Ferdinand Duren.

Tinulungan umano ng tatlong suspek ang kanilang kaibigan at ang primary suspect, si Alfredo Torres, nasa hustong gulang, sa pagbuhat sa bangay ng kanyang live-in partner, si Clarissaly­n Lizardo, tinatayang nasa edad 20, sa kotse ng suspek upang itapon.

Iniulat na pinatay dahil sa selos si Lizardo sa loob ng kanilang bahay sa Maricaban, Pasay nitong Nobyembre 28. Ang kanyang bangkay ay natagpuan sa kahabaan ng SLEx noong Disyembre 2.

Agad inaresto si Torres nitong Nobyembre 28.

“Binalikan ng suspek ‘ yung kotse (red Honda) na ginamit niya sa pagtapon kasama ‘yung isang mekaniko dahil tumirik daw. Ngayon sakto nagfa-follow up na ‘yung mga pulis ng Cabuyao kaya hinuli na siya,” sinabi Duren sa Balita.

Isinangkot ni Torres ang apat niyang kaibigan bilang mga kasabwat sa malagim na insidente.

“Positive naman po na inamin nilang tinulungan nila ‘yung suspek na itapon ‘yung bangkay. Ngayon nalaman nilang itinuro sila ni JR kaya nagpunta na sila sa barangay para sumuko,” dagdag ni Duren.

Sinabi rin ni Duren na isa pang suspek, kinilalang si Danilo Flores, ang patuloy na tinutugis at pinaniniwa­laang nagtatago sa Cavite.

Idiniretso ang mga suspek sa Pasay Police headquarte­rs at inihahanda ang mga kaukulang kaso na isasampa laban sa kanila.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines