Bodyguard nagnakaw ng charger
Iniimbestigahan ngayon ng airport police ang umano’y pagnanakaw ng cell phone charger at cell phone battery ng isa sa mga sinasabing bodyguard Vice President Leni Robredo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, may ilang araw na ang nakalilipas.
Sa reklamo ni Gerlie Gobaton, Office of Transportation Security (OTS) lady security screening officer, naka-duty siya sa NAIA 3 at naisipan niyang i-charge ang kanyang cell phone, Samsung Galaxy, ngunit naramdaman niyang siya ay naiihi kaya iniwan niya muna ang naka- charge na cell phone.
Makalipas ang ilang sandali ay nagulat siya nang makitang wala na ang kanyang charger at battery.
Agad nagreklamo si Gobaton sa airport police at nagpatulong kung papaano makikita sa closed-circuit television (CCTV) camera kung sino ang tumangay sa kanyang charger.
Nagulat na lamang sila nang makitang isang lalaking nakasuot ng barong ang dumampot sa kanyang charger at ito ay pinaniniwalaang bodyguard ni Robredo na parating noong oras na iyon mula sa Cagayan de Oro.