Balita

R100- M SHABU NAHAKOT

Pera, mga armas nasamsam sa mga kaanak ng Parojinog

- Ni AARON B. RECUENCO May ulat ni Fer Taboy

Nakasamsam ang pulisya ng aabot sa 12 kilo ng shabu, multi-milyon pisong cash, at sari-saring armas sa serye ng operasyon na kinabibila­ngan ng pagsalakay sa mga bahay ng ilang kaanak ng pamilya Parojinog sa Ozamiz City nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Ozamiz City Police Office director Chief Insp. Jovie Espenido, nagugat ang operasyon nang may mag-tip sa pulisya tungkol sa tatlong transaksiy­on na kinasasang­kutan ng tatlong drug distributo­r mula sa Cebu, General Santos City, at Lanao provinces.

Ayon kay Espenido, naaresto nila si Butch Merino na magde-deliver sana ng isang kilo ng shabu sa isang drug distributo­r mula sa Lanao.

“We were able to arrest him and he said he was supposed to sell the almost one kilo of shabu to drug distributo­r from Lanao for P2.5 million,” sinabi ni Espenido sa panayam sa telepono.

Ang isang kilo ng shabu ay nagkakahal­aga ng P5 milyon.

Si Merino ay dating bodyguard at driver ni Ozamiz City Vice Mayor Nova Parojinog, na kasalukuya­ng nakapiit sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.

Matatandaa­ng inaresto ang bise alkalde makaraang salakayin ang compound ng kanyang pamilya na ikinasawi ng kanyang ama, si Mayor Reynaldo ‘Aldong’ Parojinog at 14 na iba pa noong Hulyo ngayong taon.

Sinabi ni Espenido na itinuro ni Merino si Meldin Rabanes—pinsan ng bise alkalde—bilang pinanggaga­lingan ng shabu, at naaresto rin ito sa aktong magde-deliver din ng isang kilo ng shabu, bukod sa nasamsaman pa ng bultu-bulto ng pera.

Bandang 9:00 ng gabi nitong Miyerkules nang ikasa ng pulisya ang serye ng raid sa mga bahay ng mga Parojinog at mga tagasuport­a ng mga ito, at nakumpiska ang nasa walong kilo ng shabu mula sa bahay nina Melodia at Gaudencio Malingin.

Naaresto ang dalawa, habang nakatakas naman si Maychell Parojinog Gumapac nang salakayin sa bahay nito at masamsaman ng dalawa pang kilo ng shabu, at isang airsoft rifle.

Nakumpiska naman mula sa bahay nina Manuelito Francisco, Rizalina Francisco at June Francisco ang isang assault rifle, tatlong magazine, isang bandolier, 90 bala ng M16, dalawang rifle grenade launcher, tatlong bala ng M203, at 20 basyong cartridge ng M16.

Sa bahay nina Ricardo at Christophe­r Parojinog, nasamsam ng pulisya ang isang M16 rifle, isang maikling magazine, 19 na bala ng 5.56 caliber, at isang granada.

Bigong maaresto ang dalawang Parojinog at tatlong Francisco.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines