Balita

Misis ng pinatay na bodyguard nanawagan

- Orly L. Barcala

Katarungan ang panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ng pamilya ng body guard ng barangay chairman, anak at manugang nito na magkakasun­od pinatay ng riding-intandem sa Caloocan City.

“Sana po mahal na Pangulong Duterte, bigyan mo ng katarungan ang pagkamatay ng aking asawa, anak at manugang na parang hayop na lang na kinitilan ng buhay,” panawagan ni Victoria Daguiz, 40, ng Barangy 176, Bagong Silang, North, Caloocan City.

Si Daguiz ay live-in partner ni Carlito Ramirez, 45, body guard ni Barangay Captain Joel Bacolod, na pinatay ng mga nakamotors­iklo sa kahabaan ng Phase 8, Bagong Silang noong Lunes.

Ikinuwento ni Daguiz ang panghahara­ng sa kanila ng riding-intandem at kung paano siya pinatakas ng asawa para hindi madamay.

“Pinatakbo po niya (Carlito) nang mabilis ‘yung sinasakyan naming motor, tapos gumulong na lang ako sa damuhan hanggang sa makarinig ako ng sunud-sunod na putok ng baril,” pahayag ni Victoria.

Makalipas ang ilang oras ay nalaman na lang nito na patay na ang kanyang mister.

Nitong Nobyembre 24, pinatay din ng riding-in-tandem ang kanyang anak na si Margarita at manugang na si Justine Bangan sa Bgy. 178, Bagong Silang, Caloocan City.

“Una ‘yung anak ko at manugang, tapos ngayon asawa ko na. Inuubos na po ang pamilya namin wala naman kaming alam kung ano ang motibo, kasi wala naman kaming kaaway,” ani Daguiz.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines