Balita

‘Urduja’ sa Samar ang landfall ngayon

- Rommel Tabbad, Fer Taboy, at Raymund Antonio

Inaasahang magla-landfall sa Samar Island ngayong Biyernes ang bagyong ‘Urduja’.

Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheri­c, Geophysica­l and Astronomic­al Services Administra­tion ( PAGASA), 16 na lugar ang isinailali­m kahapon sa Signal No. 1: Camarines Sur, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Northern Cebu, Bantayan Island, Capiz, Aklan, Northern Iloilo, Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Catanduane­s, Albay, Sorsogon, at Masbate.

Nagbabala ang PAGASA sa posibleng baha at landslide sa mga nasabing lugar.

Sa katunayan, batay sa datos kahapon ng Capiz Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 24 na barangay sa lalawigan ang nalubog sa baha at naabutan na ng ayuda ang mga apektadong residente.

Ayon kay Esperidion Pelaez, PDRRMO action officer, nasa 80 bahay din ang apektado ng baha at marami pa ring residente ang hindi makalabas ng bahay dahil sa malawakang baha.

Samantala, aabot naman sa 4,000 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa Eastern Visayas at Bicol makaraang kanselahin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga paglalayag sa inaasahang pagla- landfall ng Urduja.

Ayon sa PCG, karamihan sa mga stranded ay nasa Port of Matnog sa Sorsogon na aabot sa 2,467, bukod pa sa 326 na stranded sa Port of Tabaco sa Bicol; 114 sa Port of Jubusan, 258 sa Port of San Isidro, at 298 sa Port of Looc sa Eastern Visayas.

Huling namataan ang Urduja sa layong 120 kilometro sa silangan ng Guiuan, Eastern Samar at kumikilos ito pakanluran.

Sinabi kahapon ng PAGASA na bahagyang lumakas ang bagyo sa bilis na 60 kilometer per hour (kph) at bugsong aabot sa 80 kph.

Hindi pa rin nagbabago ang mabagal na pagkilos ng bagyo na nasa seven kph.

Samantala, sinabi ng PAGASA na isa pang sama ng panahon ang posibleng maging bagyo bago sumapit ang Pasko.

Tatawaging ‘ Vinta’ kapag ganap na naging bagyo, inaasahang mananalasa ito sa Visayas o Northern Mindanao sa Disyembre 22 o 23.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines