PAGDILA SA APOY
Ikasiyam na labas
ALAM ni Lagring kahit hindi man lang siya sumusulyap sa gawi ni Pedring, si Pedring naman ang nagmamabilis ng lakad. Lumagpas sa kanya. Sabi: “Kkung ggalit ka pa, hindi ttalaga ako sasabay sa’yo kkahit kailan!”
Malayo–layo na si Pedring. Kinabahan siya. Aniya: “Ggusto mo Pedring, bati na tayo?”
Huminto si Pedring. Magsasabay na sila.
NGAYONG magkaibigan na sila uli, sumusumpa si Pedring na hindi uli sila magkakagalit o kahit magkatampuhan man lang. Pakiramdam niya, lalo silang nagkakalapit. Ganoon din ang pakiramdam niya kay Lagring.
Aywan kung bakit habang nagkakalapit sila ni Lagring, lalo na kung umaakbay sa kanya si Lagring at nagkakadikit ang kanilang mga katawan ay naiisip niya ang kung anong nakita niya noong gabing may kung anong ginagawa sina Mang Maryo at Aling Marya na mga magulang niya. Iyon ay sa kabila ng katotohanang sa Bgy. Mauwak, sa mga edad nila ni Lagring ay talagang hindi pa sila namumulat.
Ganoon nga kaya ang kalikasan ng tao at ng iba pang nilalang? Na kahit hindi ituro ang biological needs ay natututunan din? Hindi ba ang hayop, kahit walang isip, ginagawa ang dapat gawin pagdating ng tamang panahon? ‘Yan yata ang batas ng kalikasan sa bawat nilalang, ang magparami ng lahi?
Saka niya naisip ang bahaybahayan nila ni Lagring. Bakit siya, ang gusto niya, ay laging si Lagring ang nanay-nanayan. At si Lagring sa kabilang banda ay siya naman ang laging tatay-tatayan.
Saka niya naisip: Kung magbabahay-bahayan kaya uli sila nina Lagring at ng mga ibang bata? Pumayag sana si Lagring na sila lang.
SUMMER VACATION. Malaking pagkakataon para sa paglalaro.
Matindi ang kagustuhan ni Pedring na maglaro ng bahaybahayan. Sana, kung pwede, sila lang ni Lagring. Pero pwede ba naman iyon.
Nang dumating si Pedring sa lugar ng laruan na paborito ng mga ibang bata, naroon na ang maraming bata. Lalaki at babae. Wala pa si Lagring. Hindi naman naglaon, padating na si Lagring. Bago pa man dumating si Lagring, buo na ang plano nilang ang lalaruin ay bahay-bahayan.
Si Pedring ang unang nagsalita nang dumating si Lagring: “Laro tayo, Lagring. Bahay-bahayan.”
Hindi kaagad pumayag si Lagring. Medyo nag-isip.
“Oo nga, Lagring.” Panabay ang dalawa pang batang lalaki.
Parang napilitan si Lagring. “Oo na nga!”
Gustong lumundag ni Pedring sa tuwa pero hindi niya ginawa. Aywan kung bakit ayaw niyang malaman ni Lagring na siya ang promotor ng larong iyon.
Sabi kaagad ni Pedring: “Ako naman ang tatay-tatayan.”
Isang batang lalaki naman ang tumutol: “Daya mo, Pedring. Puro ikaw na lang nang ikaw. Ako naman ang tatay.”
“Hindi ako papaya!” Matigas na sabi ni Pedring. “Kung hindi ako ang tatay, hindi na ako sasali!” Saka lihim, kinakabahan siya. Bakit siya nagmatigas? Paano kung magkatigasan ang mga bata kasama si Lagring at itsapwera na siya.
Matigas din ang batang lalaki: “Kung ayaw mong sumali, di kami na lang nina Lagring. Di ba, Lagring?”
Nakayuko si Lagring, parang nahihiya nang sumagot: “Kung ayaw ni Pedring... ayoko na rin.”
Itutuloy...