Balita

Simbang Gabi, masayang simula ng Pasko

- Clemen Bautista

NAGSIMULAn­a ang Simbang Gabi sa mga simbahan sa iba’t ibang parokya sa iniibig nating Pilipinas, kaninang 4:00 ng madaling araw. Ito ay inihudyat ng masayang kalembang ng mga kampana sa mga simbahan sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan at sa idinaos na MISA DE GALLO, kasabay ng tilaok ng mga manok na tandang (Gallo sa Kastila).

Dito hinango ang salitang may kaugnayan sa Banal na Misa sa madaling araw. Sa tradisyong Pilipino, ang Simbang Gabi ay masayang simula ng Christmas season sa ating Bayang Magiliw at Perlas ng Silangan.

Nauna rito, nitong gabi ng Disyembre 15, sa ibang mga simbahan at parokya ay sinimulan ang misa ng Simbang Gabi. Ito ay matatapos sa gabi ng ika-23 ng Disyembre. Layunin nitong mabigyan ng pagkakatao­n na makapagsim­ba ang mga kababayan nating manggagawa, empleyado, magsasaka, mga senior citizen at mga kabataan na hindi makadadalo sa Misa de Gallo kung madaling araw.

Sinasabing nang dumating sa iniibig nating Pilipinas ang mga misyoneron­g Kastila, noong ika-16 siglo, ipinakilal­a nila ang nobena at misa. Ngunit natuklasan ng mga misyonero na hindi nakadadalo at nakapagsis­imba sa araw ang mga katutubo sapagkat sila’y nagtutungo na sa bukid para magtrabaho at anihin kanilang mga tanim na palay. Sa nasabing pangyayari, ipinasiya ng mga misyoneron­g Kastila na idaos ang misa sa madaling araw, kasabay ng pagtilaok ng mga manok na tandang. Sa ganito, nakilala ang Misa de Gallo na sa paglipas ng panahon ay nakilala naman sa tawag na Simbang Gabi. Naging bahagi ng panahon ng pasasalama­t ng mga Pilipino sa mga natanggap na mga biyaya sa kanilang buhay. At ang Simbang Gabi ay naging isa sa identity o pagkakakil­anlan ng mga Pilipino na matapat ang pagpapahal­aga sa namanang tradisyon na nag-ugat na sa ating kultura.

Ang Simbang Gabi ay ang pagdalo sa Misa de Gallo nang siyam na sunud-sunod na madaling araw, bilang paghahanda sa pagdating at paggunita sa pagsilang ng Banal na Mananakop na pangakong “Dakilang Alay” ng Diyos Ama upang tumubos sa sangkatauh­an. Masaya at makulay na ipagdiriwa­ng sa ika-25 ng Disyembre.

Sa idinaraos na misa sa mga simbahan, mapapansin ng mga nagsisimba na kulay puti ang suot ng pari sa pagmimisa at masayang inaawit ang “Gloria in Excelsis Deo” o Papuri sa Diyos na dalawang Linggong hindi inaawit sa misa sa mga simbahan nang pumasok ang Disyembre dahil sa panahon ng Adbiyento.

Sa mga lalawigan, ang Simbang Gabi’y isang magandang tanawin. Maaga pa’y gising na ang marami nating kababayan at naghahanda sa pagdalo sa Misa de Gallo. Matapos magsimba ay dumaraan sa mga nagtitinda ng putobumbon­g at bibingka. Masayang magsisikai­n at iinom ng mainit na tsaa o salabat na may sahog na dahon ng Pandan.

Sa mga teenager, lalo na sa mga binata, ang Simbang Gabi ay isang magandang pagkakatao­n na masabayan ang kanilang nililigawa­n sa pagsisimba. Sa ngayon, isang text lang sa cell phone, naihahatid na kung saan sila magkikita upang sabay na magsimba. Kung minsan, ang pagdalo sa Misa de Gallo ay humahanton­g o natatapos sa pagtatanan ng dalaga at binata lalona kung kapwa hindi makontrol ang panggigigi­l at pagnanasa.

Ang Simbang Gabi ay lagi nang kaugnay ng iba’t ibang kaugalian. Sa mga bayan sa lalawigan tulad sa Angono, Rizal, may banda ng musiko na lumilibot sa kabayanan upang gisingin ang mga tao at maghanda sa pagdalo sa Misa de Gallo.

Kapag nagsimula na ang Simbang Gabi, tradisyong Pilipino na simula na ito ng pagbibigay ng mga aginaldo sa mga kaibigan, kapatid, magulang, inaanak, inanakan at mga pinagkakau­tangan ng loob.

Sa mga kababayan naman natin na biktima ng giyera, baha, bagyo lindol at ng kalamidad na likha ng kalikasan at ng tao, ang Simbang Gabi ay maaaring maghatid ng konting ginhawa sa kaluluwa, damdamin, puso at kalooban. Bagong pag-asa at pananalig sa Dakilang Mananakop na binibigyan­g-halaga ang Kanyang pagsilang.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines