Balita

200 pamilya nasunugan sa Maynila

- Mary Ann Santiago

Nasa 200 pamilya ang nawalan ng tirahan sa magkasunod na sunog sa na Sta. Ana at Sampaloc sa Maynila kahapon, ilang araw bago ang Pasko. Sa Sampaloc, umabot sa 180 pamilya ang nawalan ng bahay matapos masunog ang isang hilera ng mga paupahan sa Mendoza Street, sa kanto ng Ma. Clara Street, dakong 7:00 ng gabi nitong Biyernes.

Ayon kay Chief Insp. Crossib Cante, hepe ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Manila for Operation, umabot sa ikatlong alarma ang sunog at idineklara­ng fire out dakong 10:26 ng gabi.

Kuwento ng ilang residente, nagsimula ang sunog sa dulong bahagi ng apartment at mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa kahoy at lumang-luma na ang naturang hilera ng mga paupahang bahay.

Samantala, ayon naman kay Senior Insp. Reden Alumno, hepe ng Investigat­ion and Intelligen­ce Section ng Manila Fire Department, ang ikalawang sunog ay naganap sa Pasig Line Street sa Sta. Ana, dakong 11:22 ng umaga kahapon.

Nagsimula umano ang sunog sa ikalawang palapag ng isa sa mga bahay sa lugar, at tinatayang nasa 20 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Ilang residente ang nagsabing bago ang sunog ay may kumislap na kawad ng kuryente, na tinitingna­n ngayong posibleng pinagmulan ng apoy.

Umabot ng ikalawang alarma ang sunog at kaagad na naapula ng mga rumesponde­ng bombero matapos ang isang oras, o dakong 12:23 ng tanghali.

Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa dalawang sunog.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines