Balita

HOLDAPER PINATAY NG BINIKTIMA

- Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Isang umano’y magnanakaw ang napatay habang sugatan naman ang dalawang kasamahan niya matapos silang pagbabaril­in ng kanilang biniktima habang tumatakas sila bitbit ang P560,000 cash at ilang mobile phone mula sa hinoldap nilang tindahan sa Quezon City nitong Linggo.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang napatay na si Herminigil­do Garcia, 36, na nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.

Ayon sa biktimang si Oliver Chiong, softrdrink­s dealer, abala siya at lima niyang tauhan sa kanyang tindahan sa Matahimik Street sa Barangay Teacher’s Village West, bandang 7:45 ng gabi, nang pumasok ang isang lalaki, na kalaunan ay kinilalang si Garcia.

Nagsilbi namang lookout ni Garcia sa labas sina Dino Carlo Buenavesta, 38; at Floro Cabalhao, 48 anyos.

Pagpasok sa tindahan ay kaagad umanong bumunot ng baril si Garcia at nagdeklara ng holdap bago tinangay ang pera sa loob ng pulang kahon at berdeng bag, gayundin ang mga cell phone sa tindahan.

Papatakas na ang tatlo nang kunin ni Chiong ang kanyang baril at ilang beses na pinaputuka­n ang mga suspek, na kaagad na ikinasawi ni Garcia, habang nabaril din pero nagawang makatakas nina Buenavesta at Cabalhao.

Iniulat ni Chiong ang insidente sa QCPD-Anonas Police Station 9 at inamin na binaril niya ang tatlong lalaking nangholdap sa kanyang tindahan.

Samantala, nagpapatru­lya sa Commonweal­th Avenue ang mga pulis na sina Dexter Tomi at Alvin Tarectecan nang makatangga­p ng tawag mula sa Malvar General Hospital tungkol sa isang lalaking nabaril at nagpapagam­ot doon.

Kinilala ang nasabing lalaki na si Cabalhao, na inilipat sa East Avenue Medical Center at doon inimbestig­ahan.

Kalaunan, isa pang tawag mula sa Quezon City General Hospital ang natanggap ng pulisya tungkol sa isa pang lalaking isinugod doon dahil sa tama ng bala, na kinilala namang si Buenavesta.

Positibo namang kinilala ni Chiong ang dalawa na kabilang sa mga nanloob sa kanyang tindahan.

Nabawi ng pulisya ang bag ng biktima na may P560,000 cash, gayundin ang limang mobile phone mula sa bahay ni Cabalhao.

Isinuko naman ni Chiong ang kanyang .45 caliber Armscor pistol na may kumpletong dokumento.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines