Balita

‘Army man’ bayani para sa fastcraft survivors

- Ni Jel Santos

Salamat sa isang anghel sa pagkatao ng isang hindi pa nakikilala­ng “military member”, dahil nailigtas niya ang buhay ng 13-anyos na si Renalyn Parale, at iba pang bata na sakay sa lumubog na fastcraft sa Infanta, Quezon nitong Huwebes.

Huwebes ng umaga nang lumubog ang pampasaher­ong M/V Mercraft 3 matapos umanong tamaan ng malalaking alon na pinatindi ng bagyong ‘Vinta’.

Nasa 257 ang sakay sa fastcraft, na may kapasidad na 286, kinumpirma ng mga survivor.

Patungo ang fastcraft sa Polilio Island.

Sinabi ni Renalyn, Grade 8 student, sa Balita na iniligtas siya ng isang lalaki na nakasuot ng military shirt. Sinabi niya na ang lalaki ay may kasamang tatlo pang lalaki na nakasuot din ng military shirt nang sakyan nila ang fastcraft.

“Noong nagsisigaw­an na po ang mga tao, akala ko po, mamamatay na po kami ng nanay ko. Hindi po kasi kami marunong lumangoy,” sinabi niya sa Balita ilang oras matapos na siya at ang kanyang ina ay isugod sa Claro M. Recto Hospital. “Nagdarasal na lang po talaga ako noon.”

Ayon kay Meldy, 40, ina ni Renalyn, nakita niya ang “army man” na nagligtas sa kanyang anak, sinabing marami itong iniligtas na bata nang oras na iyon.

Hindi napigilang maluha, sinabi ni Renalyn na labis siyang nagpapasal­amat sa “army man” na nagligtas sa kanya at sa iba pang bata na sakay sa fastcraft.

“Kung hindi po niya ako niligtas, patay na po siguro ko ngayon. Sobrang nagpapasal­amat po ako sa kanya na kahit hindi niya ako kakilala ay ginawan niya ako ng mabuti,” sabi ni Renalyn.

Aniya, nang hanapin niya ito sa mga survivors ay hindi na niya nakita pa ang “army man” na nagligtas sa kanya.

Bago sumakay sa fastcraft, napansin na ni Meldy na ang daming tao sa Mercraft 3, sinabing karamihan sa mga pasahero ay walang suot na life vests. Nilisan ng fastcraft ang Dinahican Port bandang 10:00 ng umaga, aniya.

“Mahigit po 300 katao po ang nakasakay. Sobrang overcrowde­d po,” sabi niya.

Sinabi niya na ang ilang pasahero ay hindi nakalista sa manifesto, ngunit nagbayad at sumakay sa fastcraft.

Iniulat na sinabi ni Ernell Meraña, may-ari ng Mercraft 3, sa Philippine Coast Guard (PCG) na aabot sa 251 katao ang sakay ng lumubog na fastcraft, binanggit ang boat manifesto. Ito ay taliwas sa naging pahayag ng mga survivor.

Ang fastcraft, ayon kay Meldy, ay tinamaan ng napakalaki­ng alon na naging sanhi ng pagtaob nito. Pagsapit ng 12:00 ng tanghali, habang sila ay nasa gitna ng dagat, nahati na sa dalawa ang fastcraft.

Samantala, iginiit ni Roland Kemp, 60-anyos na Australian at nag-iisang dayuhang pasahero, na maraming pasahero ang nasawi sa insidente, dahil nakita umano niya ang maraming nakalutang na bangkay.

Iniulat kahapon ng PCG at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRM) na limang pasahero ng fastcraft ang nasawi at 252 ang nailigtas.

“There are more than four people who died. Many drowned. I saw them floating—more than four,” sinabi ni Kemp sa Balita, tinukoy ang unang apat na pasahero na nakumpirma­ng nasawi.

 ?? CAMILLE ANTE ?? M/V MERCRAFT 3 SURVIVORS Naluluhang ginunita ng mag-inang Renalyn Molina Parale, 13, at Meldy Parale, 40, ang pagligtas sa kanila ng “army man” mula sa lumubog na fastcraft sa Infanta, Quezon nitong Huwebes. Bukod sa mag-ina marami pang bata ang...
CAMILLE ANTE M/V MERCRAFT 3 SURVIVORS Naluluhang ginunita ng mag-inang Renalyn Molina Parale, 13, at Meldy Parale, 40, ang pagligtas sa kanila ng “army man” mula sa lumubog na fastcraft sa Infanta, Quezon nitong Huwebes. Bukod sa mag-ina marami pang bata ang...

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines