Mal 3:1-4, 23-24 ● Slm 25 ● Lc 1:57-66
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anakan na nagdalangawa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya.
Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.
Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanyang talaga ang kamay ng Panginoon.
PAGSASADIWA:
“Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila.—“Mapagpala ang Diyos.” Ito ang kahulugan ng pangalang Juan—pangalang bigay mismo ng Diyos. Ang pangalang Juan ay isang malinaw na pagpapatunay sa katotohanang likas na “Mapagpala ang Diyos.”
Hindi inasahan ni Zacarias na mangyayari pa ang matagal na niyang hiniling sa panalangin, pero naging mabuti at mapagpala pa rin ang Diyos.
Hindi naging hadlang ang kahinaan at naging pagkukulang ni Zacarias upang hanguin sila ni Elizabeth sa kadustaang bunga ng kawalan ng anak. Ngunit sa kabila ng kanilang matagal na paghihintay, nanatili silang tapat sa kanilang paglilingkod sa Diyos.