2 S 7:1-5, 8b-12, 14a, 16 ● Slm 89 ● Lc 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos.
‘Mga munting pangako’
May plano ang Panginoon sa bawat isa sa atin. Nasa atin ang kapalarang maging tunay na mga anak ng Diyos. Ngunit bago mangyari ito, kailangan nating “pumirma sa kontrata”—aktibong makiisa sa Panginoon.
Ito ang mensahe ng lahat ng pagbasa sa huling Linggo ng Adbiyento. Bawat Linggo, unti-unti tayong inihahanda ng Panginoon upang tanggapin natin nang lubusan ang pakikiisa sa pagpapatupad ng pangako niyang kaligtasan. Sa Unang Linggo, inilatag niya ang kanyang pangako. Sa Ikalawang Linggo, inihanda niya ang ating mga puso sa pamamagitan ng paglilinis sa ating mga budhi at pakikipagkasundo para pawiin ang ating mga kasalanan.