Ang ‘Belen sa Angono’ ni Carlos ‘Botong’ Francisco
ANG
Pasko ang pinakamasaya at makulay na pagdiriwang sa iniibig nating Pilipinas. Mula ika-16 ng Disyembre, na simula ng “Simbang Gabi”, hanggang sa kapistahan ng Tatlong Hari kung unang Linggo ng Enero, ay nadarama ng ating mga kababayan ang sigla, ligaya at luwalhating hatid ng pagsilang ng Dakilang Manunubos. At bago sumapit ang Kapaskuhan, maraming sagisag o simbolo ng paggunita sa pagdiriwang ng pagsilang ng Prinsipe ng Kapayapaan ang binubuhay at ginagawa ng ating mga kababayan.
Mababanggit na mga halimbawa ang magaganda at makukulay na parol na isinasabit sa mga bintana ng mga tahanan, mga business establishment, gusaling pambayan o pribado man at mga tindahan. Ang mga Christmas lights namay iba’t ibang kulay, na bukod sa pumikit-dumilat ay naghahabulan pa ang mga liwanag.
Ngunit ang masasabing tunay na tagapagpagunita ng Pasko ay ang Belen na nagtatampok sa larawan ng Mahal na Birheng Maria, ni San Jose, ng Niño Jesus, ng mga pastol ng tupa, at ng Tatlong Hari na may dalang aguinaldo para sa Dakilang Manunubos. Sa kabuuan, ang Belen ay sagisag ng unang Pasko at larawan nang isilang ang Anak ng Diyos sa Bethlehem. Sa maraming tahanan, gusali, loob ng simbahan at mga bahay-kalakal, ang Belen ay tampok na tanawin at nagdaragdag- kulay sa pagdiriwang ng Pasko.
Sa Angono, Rizal, bukod sa tatlong malalaking parol na isinasabit sa loob ng Simbahan mula Disyembre 16 hanggang sa Pista ng Tatlong Hari at Sto. Niño, tampok na tanawin din noon ang Belen na inilalagay sa harap ng simbahan. Ang mga larawan sa Belen ay mural ng National Artist na si Carlos ‘Botong’ Francisco.
Sa nasabing Belen, kitang-kita ang malambot na hagod ng pinsel at mga kamay ni Botong Francisco. Iginuhit sa isang buong plywood. Pinaghiwa-hiwalay ang mga larawan. Ang Mahal na Birhen, si San Jose, ng Niño Jesus, ng mga pastol ng tupa at alaga nilang hayop, at ang Tatlong Hari.
Ayon kay Badong Juban, isang kilalang pintor at katulong ni Botong sa pagpipinta, ang Belen ay iginuhit ni Botong Francisco sa layuning mabigyan ng kulay at sigla ang pagdiriwang ng Pasko sa Angono. May ilang panahon na inilalagay sa harap ng simbahan ng Angono ang Belen. Ngunit nang mamatay ang National Artist, hindi na nailagay ang Belen. May nagsabing itinago na sa bahay ng National Artist. Makalipas ang ilang taon, ang kilalang pintor-iskultor na si Nemiranda ay gumuhit din ng Belen. Inilagay sa gloriette ng simbahan ng Angono.
Ang Belen ni Nemiranda ay naging bahagi ng Kapaskuhan sa Angono nang ilan taon. Ngunit tulad ng Belen ni Botong Francisco, makaraan ang ilang panahon ay hindi na nailagay sa glorietta ng simbahan sa Angono.
Sa kabila ng alaala na lamang ng Pasko ang Belen sa Angono ni Botong Francisco, naniniwala naman ang mga nagpapahalaga sa tradisyon at kultura ng Angono na maituturing ito bilang mahalagang likhang-sining ng yumaong National Artist, na dangal at dakilang anak ng Angono, tulad ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro.
Ang Belen sa Angono ni Botong Francisco ay bahagi na rin ng kanyang mga religious painting at mural, tulad ng “Via Crucis” o Way of the Cross na nasa chapel ng Far Eastern University sa Maynila at Don Bosco Chapel sa Mandaluyong; at ang Buhay ni Sto. Domingo, na nasa simbahan ng Santo Domingo sa Quezon City.
Ang nasabing mga likhang-sining na ito ni Botong Francisco ay mga tagapagpagunita sa buhay ng Dakilang Manunubos.