Balita

Ginang na may 15 saksak, natagpuan

- Ni KATE LOUISE B. JAVIER

Mismong ang menor de edad niyang anak ang nakadiskub­re sa kanyang ina na wala nang buhay at may 15 saksak sa katawan sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City, kahapon, araw ng Pasko.

Natagpuan ng 17-anyos niyang anak na lalaki si Carmelita Mateo, 37, vendor, habang duguang nakahandus­ay sa sahig ng kanilang apartment sa 4th Avenue sa Barangay 118, bandang 7:00 ng umaga kahapon, ayon sa pulisya.

Batay sa paunang imbestigas­yon, dakong 11:00 ng gabi nitong Linggo nang huling makitang buhay si Mateo ng kanyang kinakasama­ng si Jaime Abrazaldo, 52, kagawad ng Bgy. 117.

Sinabi ni Abrazaldo sa pulisya na nag-iinuman sila ni Mateo nang bigla silang magtalo tungkol sa kanilang anak hanggang sa umalis na lang siya ng bahay.

“Nagsimula ‘yung away namin nung pagalitan ko ‘yung anak namin kasi gustong lumabas pa ng bahay nung Christmas Eve,” kuwento ni Abrazaldo.

Sinabi ni Abrazaldo na nagpalipas na lang siya ng magdamag sa barangay hall, at magisang naiwan sa kanilang bahay ang live-in partner.

Bandang 7:00 ng umaga, sa pag-uwi ng binatilyo nilang anak ay natagpuan nito ang ina na duguan at wala nang buhay. Ayon sa menor de edad, natagpuan niya ang isang duguang kutsilyo sa kanilang banyo.

Ayon kay Abrazaldo, minsan na umanong tinangka ni Mateo na magpakamat­ay kapag nag-aaway sila.

Nag-iimbestiga na ang pulisya sa insidente.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines