Balita

Dapat na may natutuhan tayo sa 2017 sa pagharap natin sa bagong taong 2018

-

MAHIGIT isang linggo na simula nang mamaalam tayo sa taong 2017 at sinalubong ang bagong taon ng 2018 nang may karaniwan nang pag-asam at paghiling ng mas mabuting sitwasyon at mas magandang buhay para sa lahat.

Sa unang linggo ng 2018, sinalanta ang Visayas at Mindanao ng kauna-unahang bagyo ng taon — ang ‘Agaton’. Ikatlo ito sa magkakasun­od na malalakas na bagyong nanalasa sa kaparehong mga lugar — kasunod ng ‘Urduja’ at ‘Vinta’ — sa huling dalawang linggo ng 2017.

Sa unang linggo rin ng 2018 ipinatupad ang bagong batas sa pagbubuwis — ang Tax Reform for Accelerati­on and Inclusion (TRAIN) Act. Kabilang sa agarang epekto nito ang pagtaas sa presyo ng gasolina, diesel, kerosene, at iba pang petrolyo, dahil nagtatakda ang bagong batas ng excise tax sa mga inangkat na petrolyo. Nagbabala ang gobyerno sa mga kumpanya ng langis laban sa agarang pagtataas sa presyo ng kanilang mga kasalukuya­ng imbak, dahil sa susunod na pag-aangkat pa ipapataw ang excise tax. Pero malapit na ito.

Hindi tayo dapat na masyadong mabahala sa mga nangyayari sa labas ng mga hangganan ng ating bansa. Bagamat ipinagmala­ki sa tweet ni United States President Donald Trump nitong unang linggo ng bagong taon na mas malaki ang nuclear button sa kanyang mesa kumpara sa nasa mesa ni Kim Jong Un ng North Korea, at ang sa kanya ay gumagana — isang pahiwatig ng paghamon sa ipinagmala­king nuclear button ng North Korea. Dahil dito, nariyan ang pangambang patunayan ng lider ng North Korea na gumagana ang kanyang nuclear button, at sa pinanganga­mbahang pagsiklab ng digmaang nukleyar ay malaki ang posibilida­d na madamay ang Pilipinas dahil napakalapi­t natin sa North Korea.

Sa kabila ng mga nakalulung­kot sa kaganapang ito, buo pa rin ang ating pag-asa na magiging mas mabuti ang bagong taon kumpara sa nakalipas. Sa kanyang mensahe para sa Bagong Taon, sinabi ni Pangulong Duterte na dumaan ang bansa sa napakarami­ng paghamon noong 2017 at nagpahayag ng pag-asam na mananatili­ng matatag at nagkakaisa ang mga Pilipino sa harap ng ano pa mang pagsubok. Nagbigay naman ng mensahe ng pag-asa at pagmamahal si Vice President Leni Robredo. Masaya tayong makita ang dalawang pinakamata­taas na opisyal sa bansa habang magkatabi at magkatulon­g sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa Luneta noong Rizal Day.

Isang punto ang namayani sa naging mensahe ng Presidente. Bagamat nakatanaw tayo sa 2018, aniya, dapat na may natutuhan tayo sa mga naging karanasan natin noong 2017. Noong nakaraang taon, daan-daan ang napatay sa kampanya kontra droga. Tinangka ng mga terorista ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na magtatag ng teritoryo sa Pilipinas, marahil inakalang makukuha nila ang suporta ng mga Muslim sa Mindanao. Hinangad ng pamahalaan na matuldukan ang 48-taong rebelyon ng New People’s Army, subalit nabalahaw ang usapang pangkapaya­paan at nagpatuloy ang bakbakan sa kabundukan ng Mindanao.

Dapat na matuto tayo sa mga naranasan natin noong 2017, ayon sa Pangulo. Sakaling hindi man kasing tagumpay ng inaasahan natin ang mga programa at proyekto, marapat nating matukoy ang mga sanhi ng kabiguan, iwasto ang mga ito, at muling magbakasak­ali ngayong 2018.

Harapin natin ang bagong taon na hindi lamang batbat ng pag-asa kundi bitbit din ang mga aral na natutuhan sa ating mga naging pagkakamal­i, at nang may buong determinas­yon upang maiwasang maulit na muli ang mga pagkakamal­ing ito. Napakarami pa ring bakas ng mga kabiguang ito, subalit maraming mahahalaga­ng aral ang iniwan sa atin ng nakalipas na taon. Dapat na matuto tayo sa ating mga naging karanasan, ayon kay Pangulong Duterte, at ang pagkatuto na ito, kung sasamahan ng pag-asa, ay magpapatat­ag sa atin sa pagharap sa panibagong taon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines