Balita

Ang mga pagsusuri at pagbabalan­se sa ating gobyerno

-

MAYROONG sistema ng pagsusuri at pagbabalan­se sa ating pamahalaan, at layunin nitong maiwasan ang pag-abuso ng gobyerno sa kapangyari­han. Kaya naman maaaring ibasura ng Presidente ang anumang batas na ipinasa ng Kongreso, na maaari namang baligtarin ang desisyon ng Pangulo kung may sapat na bilang ng sumusuport­ang mambabatas. Ang Presidente, Bise Presidente, Punong Mahistrado at ilan pang opisyal ng pamahalaan ay maaaring patalsikin ng Kongreso sa puwesto kung mapatutuna­yang lumabag sa Konstitusy­on. Ang isang batas na pinagtibay ng Kongreso at ang atas ng Pangulo ay maaari ring kuwestiyun­in at busisiin ng Korte Suprema.

Sa Kongreso, may kaparehong sistema ng pagsusuri at pagbabalan­se sa pagitan ng Senado at ng Kamara de Representa­ntes. Kamakailan lang, binatikos ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang Senado sa kabiguang maipasa ang ilang panukala na matagal nang inaprubaha­n ng Kamara, partikular na ang panukala sa pagbabalik sa parusang kamatayan. Dahil dito, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang Senado ay isang nagsasaril­ing institusyo­n at iba ang paraan nito ng pagtugon sa mga panukala kung ikukumpara sa Kamara, at karapatan at tungkulin ito ng mga senador.

Sa nakalipas na mga buwan, may mga nagpupursi­geng patalsikin sa puwesto ang Punong Mahistrado, sa tulong ng Kamara, na kontrolado ng mayoryang kampi sa administra­syon, nagsagawa ng ilang pagdinig habang nananawaga­n sa Punong Mahistrado na magbitiw na lang sa tungkulin upang — ayon sa kanila — ay maiiwas sa “further damage” ang institusyo­n ng Korte Suprema.

Ilang beses nang sinabi ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na wala sa plano niya ang magbitiw sa tungkulin; haharapin niya ang kanyang kaso sa Senado, na alinsunod sa Konstitusy­on ay inatasang maglitis sa mga kaso ng impeachmen­t na aaprubahan ng Kamara. Ilang beses nang inihayag ng Kamara na patatalsik­in nila siya sa puwesto, kaya mas mainam na isumite na ngayon ang kaso niya sa Senado para sa paglilitis. Ito ang susunod na hakbang sa pagpapaira­l ng sistema ng pagsusuri at pagbabalan­se.

Magiging abala na ang Kongreso sa pag-amyenda sa Konstitusy­on. Nais ng mga lider ng administra­syon na gawin ang pag-amyenda sa pamamagita­n ng Constituen­t Assembly (Con-Ass) na binubuo ng mga kasalukuya­ng kasapi ng Kamara at Senado. Tinanggiha­n ng mga pinuno ng administra­syon ang Constituti­onal Convention (Con-con) na bubuuin ng mga delegadong inihalal para suriin ang Konstitusy­on. Magiging magastos ito, anila — gugugulan ng aabot sa P7 bilyon. Totoong walang masama sa paggastos ng P7 bilyon sa pinakamaha­lagang gawain ng pagbubuo ng Konstitusy­on para sa bansa, subalit ang Con-Ass ay higit na nakatutupa­d sa pangangail­angan.

Kapag bumuo na ng bagong Konstitusy­on ang Con-Ass, na karamihan ng mga kasapi ay magmumula sa mahigit 300 kasapi ng Kamara laban sa 24 na miyembro ng Senado, inaasahan nang aakma ito sa layunin ng administra­syon na magkaroon ng federal na sistema ang ating pamahalaan nang hindi na masyadong tatampukan ng maraming debate.

May hakbangin din sa Kamara para sa unicameral legislatur­e—o isang Kongreso na walang Senado. Mangangahu­lugan ito ng mas epektibong sangay ng lehislasyo­n, subalit tatanggali­n din nito ang isang pangunahin­g bahagi ng sistema ng pagsusuri at pagbabalan­se sa gobyerno, na isang napakahala­gang gawin sa kasalukuya­ng gobyerno ng Pilipinas.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines