Balita

Jail officer inatake sa Traslacion, patay

- Ni Mary Ann Santiago

Isang 51-anyos na dating tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang nasawi nang atakehin sa puso matapos umanong piliting makahipo sa andas ng Poong Hesus Nazareno sa kasagsagan ng Traslacion sa Quiapo, Maynila kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang nasawing deboto na si dating SJO4 Ramil Dela Cruz.

Ayon kay Coronel, batay sa natanggap niyang ulat ay lumapit sa andas ang mahigit 20 taon nang deboto ng Nazareno, subalit makalipas ang ilang sandali ay dumaing ito ng paninikip ng dibdib, dakong 12:30 ng hatinggabi sa Hidalgo Street, kaya dinala sa medical station ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Naisugod pa sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center si Dela Cruz ngunit binawian din ng buhay.

Napaulat na inirerekla­mo umano ng kaibigan ni Dela Cruz, na dati ring tagaBJMP, ang mabagal na pagrespond­e ng medical team at wala rin umanong doktor kaya hindi naagapan ang kondisyon ni Dela Cruz.

Mariin naman itong pinabulaan­an ni MDRRMO Chief Johnny Yu, at iginiit na kaagad na tinugunan ng kanilang grupo ang karamdaman ni Dela Cruz.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Yu na ni hindi alam ng kanilang grupo na naninikip ang dibdib ng biktima dahil ang unang idinaing umano nito sa kanila ay ang pananakit ng tiyan nito dahil sa hyperacidi­ty.

Sinabi rin ni Yu na nakainom ng alak si Dela Cruz at kasama nito bago umakyat sa andas, kahit pa may ipinatutup­ad na liquor ban ang mga awtoridad.

Hindi rin, aniya, totoong walang doktor dahil kumpleto ang kanilang grupo, ayon kay Yu.

Samantala, naging “generally peaceful” ang pagdaraos ng Traslacion nitong Martes, ayon kay Chief Supt. Coronel, na inabot ng mahigit 22 oras.

Pasado 3:00 ng umaga na nakabalik sa Quiapo Church ang Nazareno, at nasa mahigit anim na milyong deboto ang nakiisa sa Traslacion, ayon kay Chief Supt. Coronel, mas marami sa 5.4 na milyong naitala noong nakaraang taon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines