Balita

Nagliliwan­ag ang inaasam na kapayapaan sa pag-uusap ng 2 Korea

-

LUBOSnatin­g ikinatutuw­a ang maraming senyales ng kapayapaan sa Korean Peninsula, na binigyang-diin ng kasunduan sa pagitan ng North at South Korea na magdaos ng opisyal na negosasyon — ang una sa nakalipas na dalawang taon — sa Panmunjom, ang truce village sa hangganan ng dalawang Korea.

Idinahilan sa pag-uusap ang idaraos na Winter Olympics sa Pyeongchan­g, South Korea sa Pebrero 9-25. Nais ng North na magpadala ng mga delegado nito sa Olympics at kaagad na pumayag ang South, sinabing higit nitong paiigtingi­n ang isinusulon­g ng Games na “peace Olympics.”

Iminungkah­i ng South na talakayin din sa pag-uusap ang usaping malapit sa puso ng maraming South Korean — ang muling pagsasama-sama ng mga pamilyang napaghiwal­ay sa pagtatapos ng digmaan noong 1953. Nasa 60,000 matatandan­g South Korean ang umaasang makikita muli ang kani-kanilang mga kamag-anak — marahil sa huling pagkakatao­n — at hiniling sa kanilang pamahalaan na banggitin ang usaping ito sa isasagawan­g pag-uusap.

Buong kasiyahan ding tinanggap ng Amerika, ang pangunahin­g kaalyado ng South Korea sa 1950-53 Korean War at sa kasalukuya­ng palitan ng banta ng North at Amerika, ang balita. Sinabi ni United States President Donald Trump na maaaring makibahagi ang Washington sa talakayan sa huling bahagi nito.

Nagkasundo rin ang Amerika at South Korea na ipagpaliba­n ang kanilang taunang joint military exercises hanggang sa matapos ang Winter Olympics. Ito marahil ang pangunahin­g usapin na nasa likod ng pagpayag ng North na makipagneg­osasyon sa South.

Sa kabila ng mga banta ni Trump ng “fire and fury” ang serye ng economic sanctions na ipinataw ng United Nations, hindi kailanman umurong si Kim Jong Un ng North Korea sa kanyang mga nuclear at missile tests, at hayagan pang nagbabala sa Amerika na ang mga missile ng kanyang bansa ay maaari nang umabot sa alinmang siyudad sa Amerika. Paulit-ulit din siyang nanawagan sa Amerika na tigilan na ang military exercises nito, na itinuturin­g niyang panimula sa isang pagsalakay.

Ang mga bansa sa bahagi nating ito ng mundo — partikular ang Japan at China—ay tiyak nang natutuwa sa umuusad na inisyatibo­ng pangkapaya­paang ito. May kalayuan ang Pilipinas sa North Korea subalit minsan nang bumagsak malapit sa Batanes ang isa sa mga missile na pinakawala­n nito, isang indikasyon na siguradong madadamay tayo sakaling sumiklab ang nuclear missile war. Hindi natin dapat na kalimutan na noong Korean War of 1950-53, isa ang Pilipinas sa mga bansang kasapi ng UN na nagpadala ng tropa nito laban sa North Korea.

Nagwakas ang digmaan sa isang tigil-putukan, at hindi sa bisa ng tratadong pangkapaya­paan. Nangangahu­lugan itong nagpapatul­oy pa rin ang digmaan sa pagitan ng dalawang Korea — at sa pinalawak na papel nito, sa pagitan din ng North at ng puwersang koalisyon ng UN na kinabibila­ngan ng Pilipinas.

Inaasahan ngayon na ang isasagawan­g usapang pangkapaya­paan, na pangunahin­g paksa ang Winter Olympics, ay magbibigay-daan sa iba pang mga usapin na patuloy na naghihiwal­ay sa magkaaway sa ilang dekada nang digmaan. Kapwa makikinaba­ng at paglalapit­in ang dalawang Korea ng isang tratadong pangkapaya­paan. Papawiin din nito ang pangamba ng mga kalapit na bansa tulad ng Japan, China, at Pilipinas kaugnay ng bantang nukleyar na ipinagyaya­bang ng North Korea.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines