PAGDILA SA APOY
Ika-38 labas
HIGIT na nagtaka si Pedring nang pagkaraan ng ilang sandali nilang pagkakatanawan nila ni Lagring, umalis na ang batang babae.
Aywan kung bakit tuluyan na yata silang nagkahiyaan ni Lagring. Kahit nagkikta sila, hindi sila naglalapit. Natuto siyang makisama sa ibang bata, Gayon din naman si Lagring.
Maging nang magpasukan sa eskuwela, parang nagkatabangan na sila. Pero si Pedring ang hindi nakatiis, binati niya si Lagring. Nakipagbati rin naman si Lagring. Pero hanggang doon lang. Tuluyan na yata silang nagkailangan o nagkatabangan. Hanggang magtapos sila ng Grade VI.
Sa Bgy. Mauwak, bibihira ang nakapagpapatuloy ng pag-aaral sa hayskul. Napakalayo ng paaralang high school sa barangay nila. Nasa sentro iyon ng bayan. Ang mangarap ng pagpapatuloy sa pag-aaral ay parang suntok sa buwan lalo na sa mga magsasaka, mangangaso, maliit na mag-uuling, na karaniwang trabaho sa Mauwak. Napakalaki kasi ng gastos.
Kahit paano, madalas nang nag-uusap sina Pedring at Lagring. Si Pedring ang gumawa ng paraan. May nabubuhay sa kanyang dibdib. Ang damdaming noon pa’y naroon na sa kanyang dibdib na saglit lang nahadlangan ng pagharang ng landas ni Onor.
“Mahirap talaga ang mahirap.” Madalas sabihin ni Lagring. “Pero ako, walang planong mabulok sa lugar na itong wala yatang Diyos. Pag nakatit’ymepo ako, aalis ako.” “Sa’n ka naman pupunta?” “Kahit saan. Huwag lang ditong nakabaon ang paa mo sa putik hanggang sa mamatay ka!”
“Taas pala ng ambisyon mo!” May galit ba sa boses niya?
Hindi yata narinig o hindi pinansin ni Lagring ang sinabi niya. Sabi pa nito: “Mag-aaral ako hanggang makatapos ng karera. At tiyak kong yayaman ako.”
Bigla, natatakot si Pedring sa mataas na ambisyon ni Lagring. Ngayong tiyak na niyang mahal niya ang kababata, parang nakikita niyang maghihiwalay ang kanilang mga landas.
Pero sinabi ni Pedring sa sarili: Gagawa ako ng paraang hindi ka makaalis.
Pero tulad ng isang binatang nayon, malakas lang ang kanyang loob pero amhina ang kanyang tuhod. Ni hindi nga niya magawang sulatan si Lagring (hindi pa uso ang selpon noon). Lalo namang hindi niya kayang ligawan ng harpaan. Ganoon pala ang tapat na pag-ibig. Matatakutin. Paano kung siya ang biguin?
Naisipan niyang daanin sa sulat. Pero kahit pala sa sulat, hindiniya kayang magpakilala. Bukod sa hindi nia iyon nilagdaan, ipinaaabot lang niya sa isang bata na inupahan niya ng ilang kendi.
“Bakit mo ‘ko sinulatan?” Urirat sa kanya ni Lagring.
“A-anong sulat?” Halos mabulol siya. “Napakabata pa natin, Pedring.” “Hindi na t-tayo b-bata.” “O, di nahuli kita.” Tuwing mapag-iisa si Pedring, tumitindi ang pasok ni Lagring sa kanyang utak. Iginigiit niya sa sariling hindi na sila bata ni Lagring. Ang laki na ni Lagring. Baka higit pang mataas kaysa kay Onor. At ngayong nag-aayos na si Lagring, aba, mas maganda rin ito. Sa paningin niya, higit na maganda si Lagring. Siguro’y may paningin ang puso na hindi nakikita ng pisikal na mga mata.
Madalas, napapanaginipan niya si Lagring. Hindi na sila nagbabahaybahayan kundi totoong bahay na. Dahil alam niya na ngayon kunga no ang ginagawa ng mag-asawa, napapanaginipan niyang ginagawa nila ni Lagring ang mga bagay na iyon.
Itutuloy...