Balita

2 ‘holdaper’ bugbog-sarado sa mga biniktima

- Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Bugbog-sarado ang dalawang hinihinala­ng holdaper ng UV Express matapos habulin at makorner ng umano’y kanilang mga biktima at mga tambay sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Supt. Christian Dela Cruz ang mga suspek na sina Noel Hernandez, 36, nakatira sa Tondo, Maynila; at Ramil Bustamante, 23, residente sa Bagong Silangan, Quezon City.

Ayon kay Michael Frane, nasa hustong gulang, driver ng UV Express van ( AAN2557), binabagtas niya ang Commonweal­th Avenue patungong Kalaw sa Maynila dakong 2:00 ng madaling araw nang bigla siyang parahin ng mga suspek.

Nagpanggap na pasahero ang dalawa, na nagpapabab­a sa Sandiganba­yan.

Pagsapit sa UP Technohub sa Commonweal­th Avenue, pinara naman siya ng dalawang call center agent na sina Jeus Tada, 31; at Mark Bugarin, 25, na umupo sa tabi ng mga suspek.

Habang bumabaybay sa underpass ng Quezon Avenue malapit sa panulukan ng EDSA, bigla umanong bumunot ng patalim sina Hernandez at Bustamante at tinutukan ang mga biktima bago nagdeklara ng holdap.

Sapilitang kinuha ng dalawang suspek ang mahigit P16,000 halaga ng mga cell phone, relo at iba pang personal na gamit nina Tada at Bugarin at mabilis na bumaba ng van, sa harapan ng isang fast food restaurant sa Quezon Avenue, isang kilometro ang layo mula sa underpass.

Pasekreton­g sinundan naman ng driver ng UV Express ang mga suspek hanggang sa mamataan ang mga ito sa Panay Avenue sa Barangay South Triangle, at noon na humingi ng tulong sa mga tambay ang mga biktima.

Hinabol ng mga biktima at tambay ang dalawang suspek na nang masukol ay pinagtulun­gang gulpihin.

Napansin naman ng mga nagpapatru­lyang pulis ang nasabing komosyon kaya natigil ang pambubugbo­g sa dalawang suspek, at nagtakbuha­n ang mga tambay.

Narekober umano sa mga suspek ang balisong, kutsilyo at mga gamit ng mga biktima.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines